WALA talagang presyo ang pagmamahal.
Hindi mga siyentipikong nakasuot ng laboratory gown ang kasalukuyang nangangalaga sa pinakamalaking mangrove site ng Batangas, ang Tubugan Research Post ng UST.
“Kahit na tatlong taon na ding walang pondo mula sa UST, nagkusa na ako at ang barangay na alagaan ito,” ani Danilo Balbaera, dating kagawad ng Barangay Imelda, San Juan.
Dagdag pa niya, wala ring nakukuhang pondo ang kanilang barangay mula sa lokal na pamahalaan kahit na nangako ang Department of Environment and Natural Resources na pangangalagaan daw nila ang naturang mangrove site.
Ani Balbaera, mabuti nga raw na hindi isinulong ng lokal na pamahalaan na lugar pang-turista ang mangrove site ng Tubugan dahil baka makasira ito sa lugar.
“Napanatiling malinis ang lugar na ito dahil mga estudyante lang at mananaliksik ang palaging dumadaan sa aming lugar,” aniya.
Dahil sa natural na walang daanan papunta sa mga bakawan, gumawa ang mga tao sa Barangay Imelda ng isang tulay na gawa sa kawayan na pinangtali ang nylon upang mas maging matibay.
Sa kabilang banda, sinabi ni Eric Zerrudo, direktor ng UST Center for Conservation of Cultural Property and Environment of the Tropics (CCCPET), na nagkaroon ng problema ang Unibersidad ukol sa kontraktor. Sa ngayon, nakakakuha naman daw ang Tubugan Research Post ng pondo mula sa donasyon ng mga bumibisita sa Barangay Imelda.
“Kahit na may ganoong problema, pumupunta [pa rin] ang mga estudyante ng UST Graduate School at mga mananaliksik mula sa ibang unibersidad,” ani Zerrudo, na sinabing ilan sa mga estudyanteng pumupunta sa kanilang lugar ay nagtatanim din ng mga mangrove o bakawan.
Pinagmulan
Ani Balbaera, nakuha ang pangalan ng naturang research post dahil sa dating pangalan ng kanilang barangay. Tubugan daw ang tawag sa paliguan na putik ng mga kalabaw.
Naging Barangay Imelda ang pangalan ng lugar noong sinubukang kunin ito ng mga Marcos noong 1980’s.
Nakatayo ang research post ng UST CCCPET sa isang 280-kwadrado metrong lote.
Nagpatayo ang UST dito ng isang bungalow na mayroong kumpletong pangangailangan ng isang mananaliksik: sala, silid-tulugan, kusina, at isang kuwartong may computer. May kuryente na ito, ngunit wala pang malinis na tubig.
Bukod pa sa isang research center, ang buong mangrove site ay may sukat na higit 50 metro.
Ayon kay Balabaera, higit na 100 na taon na ang mga bakawan sa kanilang barangay.
“Noong lumipat ako dito, marami nang mga bakawan dito.
Ang mga bakawan sa Tubugan ay nakatutulong sa pangingitlog ng mga sugpo at bangus upang lumaki ang mga ito sa mga fish pen at maibenta.
“Kinukuha ang semilya ng sugpo at iyon ang ginagamit ko sa mga fishpen ko,” aniya. “Sa mga bakawan tumitira ang mga isda, kung mamamatay ito, mawawala ang populasyon ng mga isda.”
Bukod sa bangus at sugpo ay mayroon ding banak, samaral, kitang, danggit, dilis, at yellowfin na nakatira sa Tayabas Bay. Ang bakawan ay dinadaluyan ng tubig mula sa Tayabas Bay na malapit sa probinsya ng Quezon.
Bukod din sa mga isdang makukuha sa dagat, nakatira sa bakawan ang mga umang (hermit crab) at manaltak, isang isda na kasinlaki lang ng hintuturo.
Ang pangunahing hanap-buhay ng mga residente ng Barangay Imelda ay pangingisda dahil hindi naman mabubuhay ang mga palay na malapit sa dalampasigan. Gayunpaman, malayo ang mga fish pen sa naturang lugar.
“Pinipigilan ng puting buhangin ang pagkalap ng oxygen ng mga bakawan upang mabuhay ang mga bakawan,” ani Balbaera.
Ang patuloy na pagtanim ng maraming mangrove seedling ay makatutulong sa pagyabong ng mga bakawan, dagdag niya.
Ayon kay Balbaera, ang mga species ng mga bakawan na nakatanim sa Tubugan ay bungalon at pagatpat.
Noong 2003, nagsimula ang proyektong ito sa isang heritage mapping project ng mga estudyante ng Graduate School Cultural Heritage Studies, ani Zerrudo.
Dagdag pa niya, naatasan sila na gawin ang “Bakawan,” isang natural heritage charter at ang paggawa ng UST Tubugan research post. Nailathala ang Bakawan noong 2010.
Sa kabila nito, tatlong taon na raw na hindi dumadaan ang UST CCCPET, sabi ni Balbaera.
Kahit ganito ang sitwasyon, patuloy pa rin ang pag-alaga ng Barangay Imelda sa mga bakawan; hindi lang para sa kanilang pangkabuhayan, kundi para kay Inang Kalikasan.