NAGIGING progresibo at dinamiko ang wikang Filipino dahil sa mga kabataang nabibilang sa Generation Z na madalas gumamit ng internet, ayon sa mga lingguwista.

Paliwanag ni Alvin Ringgo Reyes, kalihim ng Kolehiyo ng Edukasyon ng UST, dahil ang mga kabataang edad 9 hanggang 24 taong gulang – ang sakop ng Generation Z – ay babad na sa internet, maraming mga salita ang nanganganak, patunay na nagbabago ang wika sa bawat yugto ng kasaysayan.

“Ilang dantaon nang nakapaloob sa talasalitaan natin ang mga hiram na salita, lalo na mula sa mga bansang sumakop sa atin o sa mga bansang nagkaroon tayo ng matagal na ugnayan gaya ng mga kalapit-bansang naging kakalakalan natin,” wika niya sa Varsitarian.

“Sa eksposyur natin sa medya at internet, asahan ang pagpasok ng mas marami pang salita. Nakakapag-ambag ang mga ito sa pagyaman ng ating wika at komunikasyon,” dagdag niya.

Pang-apat ang Filipinas sa buong mundo sa pinakamatagal gumamit ng social media kung saan ang bawat tao ay kumukunsumo ng 3 oras at 43 minuto, ayon sa “Digital 2023” ulat ng Meltwater at We Are Social.

Para kay Baby Jean Jose, propesor sa Departamento ng Filipino ng Pamantasang Pampamahalaan ng Gitnang Luzon, natural lamang na makisabay ang wikang Filipino sa pag-usbong ng internet.

“Sumasabay ito sa gawi, paniniwala at estilo ng mga taong nagsasalita nito. Ang mundo at social media ay nagmamadaling daluyan ng buhay na pinabilis ng internet,” wika niya sa Varsitarian.

Nagiging malikhain ang mga Pinoy sa wika upang mapabilis ang komunikasyon, makakuha ng engagements, at makisabay sa uso, ani Reyes.

“Ang paglikha natin ng mga katawagan sa internet ay manipestasyon ng pagpapaloob ng kulturang Filipino sa cyberspace na lumilikha ng mga terminong kakatawan sa pag-iral at ugnayan natin doon,” wika niya.

Bukod sa social media, marami ring nahuhumaling sa paglalaro ng video games at panonood ng mga vlogs, kung saan ang mga balbal na salita tulad ng noob (baguhan) at GG (good game) ang siyang madalas sambitin ngayon ng mga kabataan.

Nagkakaroon din ng bagong kahulugan ang mga umiiral na salita, tulad ng Jolina Magdangal, na imbes na tumutukoy sa artista ay nangangahulugan nang “uuwi na ako” sa beki language.

Obserbasyon ni Wennielyn Fajilan, tagapangulo ng Sentro sa Salin at Araling Salin, sumasalamin ang mga terminong ito, na kolektibong tinatawag na internet slang, sa koneksyon ng mga miyembro ng komunidad.

“‘Yung pagpapaikli ng salita, nanggagaling din ‘yan sa masyadong pamilyar ka sa konteksto nu’ng komunikasyon. May intimate na ugnayan doon sa komunidad na kinabibilangan ng lengguwaheng ‘yon,” wika niya sa Varsitarian.

“[H]indi na kailangan pahabain ang mensahe dahil, unang-una, ‘yung nature nu’ng komunikasyon nila ay real-time kaya normal ang paggamit ng mga balbal na salita o pagpapaikli,” dagdag niya.

Marami nga lang sa mga umuusbong na internet slang ngayon ang madaling makalimutan, ayon kay Divine Angeli Endriga, katuwang na propesor sa Departamento ng Lingguwistika ng Unibersidad ng Pilipinas.

“[I]ilang termino lang talaga ang nagtatagal at nagiging ‘staple’ na bahagi ng ating leksikon dahil na rin sa madalas na pasalita ang gamit nito. Bagamat ngayon, makikita na rin ito sa pasulat na anyo tulad sa SMS o sa social media platforms,” wika niya sa Varsitarian.

Impormal man o balbal ang paraan ng komunikasiyon, hindi maituturing na ileterado ang mga Generation Z, paglilinaw ni Fajilan. Sa halip, sinasalamin umano nito ang malikhain at malayang paggamit ng wika.

“Hindi natin masasabing ileterado ang gumagamit ng jejemon dahil mayroon tayong tinatawag na functional linguistics. Ito ay bumubuo ng bagong kultura,” giit niya.

At kahit may mga ayaw sa bagong estilo ng wikang Filipino, hindi ito maaaring ikubli sa isang tabi, saad ni Jose.

“Hindi natin kayang ikulong o itago ang wika ayon sa inaakala nating wastong gamit ng mga salitang nakapaloob dito […] Sa ayaw man natin o sa gusto, may sariling buhay ang wika at magbabago ito nang magbabago sang-ayon sa kalikasan nito na hindi makokontrol ng iilang mga tao,” wika niya.

Gayunpaman, may kaakibat na babala ang pagsikat ng mga bokabularyong hango sa mga trend.

“Nakakatakot dahil teknolohiya ang namumuno sa atin. Wala tayong aasahang puso, simpatya, at prinsipyo sa buhay maliban lamang sa utak,” wika ni Fajilan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.