8 Agosto, 2015, 11:21 a.m.
– HINIKAYAT ang mga Tomasino na aktibong makilahok sa darating na
pambansang halalan sa 2016 sa pagpupulong ng mga opisyal ng Unibersidad at
samahang mag-aaral para sa isang voter-education
campaign.
Ilulunsad sa Setyembre ang “Aktiboto,” isang
programang may hangaring palawakin ang kaalaman sa “tamang pagboto” hindi
lamang ng mga Tomasino kung hindi pati ng mga katuwang na komunidad ng UST.
Nilagdaan ang memorandum
of understanding para sa nasabing student initiative sa Tan Yan Kee
Students’ Center noong ika-7 ng Agosto.
Ayon kay Raymond John Naguit, program director ng “Aktiboto: Voter Education Program,”
mahalaga ang papel ng mga kabataan sa darating na eleksyon sapagkat saklaw nila
ang sangkatlo ng populasyon.
Dagdag pa ni Naguit, ang pakikilahok sa eleksyon ay hindi
natatapos sa matalinong pagboto. Kailangan ang pagbabantay sa mga ipinangako ng
mga kandidato, aniya.
Para naman kay Giovanna Fontanilla, direktor ng Office of
Public Affairs, magiging game-changers
at social transformers ang mga
Tomasino tungo sa positibong pagbabago sa lipunan sa pamamagitan ng Aktiboto.
Kabilang sa mga lumagda sa memorandum ang 28 na organisasyon
sa Unibersidad, katulad ng Student Organizations Coordinating Council, Central
Student Council, UST Simbahayan, at Office of Public Affairs. Paul
Xavier Jaehwa C. Bernardo and Monica M. Hernandez