(Litrato mula sa megastyle.ph)
13 Agosto 2015, 4:03p.m. – ISANG Tomasino ang kabilang sa 10
indibidwal at dalawang organisasyon na tatanggap ng pinakamataas na parangal sa
sining na iginagawad ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas o CCP.
Si Ben Farrales, isang Fine Arts alumnus, ay pararangalan sa
kategoryang Disenyo sa Gawad CCP Para sa Sining sa ika-17 ng Setyembre para sa
kaniyang mga tagumpay at naiambag sa sining, kultura at fashion
industry ng bansa.
Tinatawag na “living legend” sa fashion
industry ng Pilipinas, si Farrales ay kilala sa paggamit
ng Muslim ethnic fabrics.
Nagsimula ang karera ni Farrales sa fashion design noong
dekada sitenta kung kailan naging estudyante siya sa Aurelia’s,
isang boutique sa kalye ng Mabini sa Malate. Kalaunan, nagtayo
si Farrales ng kaniyang sariling boutique kung saan siya
nadiskubre at ‘di nagtagal ay binansagang “dekano ng Philippine
fashion“ ni Conchita Sunico, ang nagtatag ng Karingalan
Arts International.
Kabilang sa iba pang gagawaran ay sina: Denisa Reyes
para sa sayaw; Fides Cuyugan Asencio para sa musika; Antonio Mabesa para sa
teatro; Roberto Chabet para sa visual arts; Ricardo Lee para sa
panitikan; Nora Aunor para sa pelikula; Paulo Alcazaren para sa arkitektura;
Leoncio Deriada, Talaandig School of Living Traditions, Armida Siquion-Reyna at
Basilio Esteban Villaruz. Ang Missionary Society of St. Columban naman ang
tatanggap ng Tanging Parangal.
Ang Gawad CCP Para sa Sining ay ibinibigay kada tatlong taon
sa mga artists at cultural workers na
nagpakita at lumikha ng natatanging gawa sa kanilang art forms o
nagpakitang gilas sa pananaliksik, curatorship at
administrasyon. Ang Tanging Parangal naman ay ginagawad sa mga indibidwal o
organisasyon para bigyang pugay ang kanilang iniambag sa kani-kanilang
larangan. Daryl Angelo P. Baybado