INILUNSAD ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang “Biyaheng Panulat: Caravan Para sa Panulat na Naghahanap sa Bayan,” na isang malawakang proyekto na nagsusulong sa muling pagpapayabong ng panitikan sa bansa noong ika-24 ng Hulyo 2014 sa Claro M. Recto Hall, PUP Sta. Mesa, Manila.

Sa pangunguna ng Center for Creative Writing (CCW) ng PUP, idinaos ang Biyaheng Panulat bilang isang Education Campaign Program tungkol sa kahalagahan ng pagbabasa ng mga libro at pagsusulat ng katha na dinaluhan ng mga premyado at respetadong manunulat sa Pilipinas gaya nina Eros Atalia, Ricky Lee, Manix Abrera, Lualhati Bautista, Bob Ong, Jun Cruz Reyes, at Lourd de Veyra.

Layon ng Biyaheng Panulat na maituro at maipaunawa sa mga kabataan ang kahalagahan ng pagsusulat; bakit itunuturo ang pagsusulat; paano magpahalaga sa panulat; paano dapat ituro ang pagsusulat; at paano ang magsulat.

Kabilang din sa mga paksa na tinalakay ang halaga ng Urban Poor Literature o ang panitikan para sa mga maralitang taga-lungsod sa pagbubuo ng pambansang panitikan at direksiyong tinutungo ng pagsusulat ng Creative Fiction ngayon sa bansa. Upang maisakatuparan ang mga hangaring ito, lilibutin ng caravan ang mga pangunahing kolehiyo at unibersidad sa buong bansa ngayong taon.

Pagtamlay ng panitikan at damdaming makabayan

Ayon kay Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, naiiba ang Biyaheng Panulat sa mga karaniwang pagtitipon ng mga manunulat sa ating panahon sapagkat kaiba ang layunin nito sa mga worksyap na inilulunsad na tanging anyo at paggamit ng wika ang itinuturo.

“Ang proyektong ito ay naglalayong ibalik ang pagsusulat sa paglikha ng literatura na nagpapalalim sa pagkamakabayan ng mga mambabasa. Mahalaga ito dahil sa ating panahon, nag-iba na ang diin sa mga worksyap,” aniya.

READ
Fr. Saria is new head of finance

Ani Lumbera, higit na yumabong ang panitikan ng bansa noong panahon ng diktadura dahil nagbunsod ito ng pangangailangang makapagpahayag ng damdaming makabayan. Sa kasamaang palad, hindi naging sapat ang panahong ito upang mapatibay ang pundasyon ng pagsusulat at pagpapahayag sa puso at diwa ng mga Filipino sapagkat ang pagbagsak ng diktadura ang siya ring nagsilbing pagtamlay ng panitikang Filipino.

Matapos ang EDSA, umiral ang paglubay ng pagsasanay sa pagsusulat na may kaakibat na panlipunang tunguhin,aniya.

Responsibilidad ng teknolohiya sa panitikan

Masasabing malaki ang impluwensya ng internet partikular na ang social networking sites sa muling pagkabuhay ng mga manunulat na maglathala ng kanilang mga akda sa kasalukuyan.

Ayon kay "Bob Ong," kilalang manunulat, malaki ang maitutulong ng makabagong teknolohiya upang mahasa ang kasanayan sa pagsusulat. Sa pamamagitan ng blog, makikilala ng isang tao ang kapasidad niya bilang manunulat at makakakuha pa reaksiyon sa mga mambabasa.

Ani Manix Abrera, isang kartunista, "malaki ang kaibahan ng print sa online dahil higit na marami ang naaabot ng huli sa mas maikling panahon.

"Pino-post ko sa facebook ang komiks ko. Kakalat siya sa social media. Kitang-kita ko ang kaibahan; kasi pag-online, kuha mo agad 'yung mga comment ng mga tao. Kumpara sa print na kung may magalit man, hindi na makakaabot sa ‘yo o matagal bago dumating sa ‘yo kasi susulatan ka pa,apaniya.

Para naman kay Eros Atalia, propesor ng Filipino sa Unibersidad at batikang manunulat, hindi mahalaga kung sasamantalahin ng isang baguhang manunulat ang mabuting dulot ng pag-blog at pag-post ng kaniyang akda online o mananatili siyang tagatangkilik ng makalumang paraan ng paglilimbag sa papel.

READ
Bills address abortion, define beginning of life and conscientious objection

“Problemahin ninyo muna kung ano ‘yung gusto ninyong sabihin, saka mo problemahin paano mo sasabihin,” pagbibigay diin ni Atalia.

Paghahanap sa Bayan

Magpapatuloy ang Biyaheng Panulat sa kabila ng masamang panahon at mga bagyong habagat sapagkat hindi mapipigilan ang adbokasiya nito na maituturing na isang paraan ng paghahanap sa bayan.

Pagpapaliwanag ni Virgilio Rivas, direktor ng Institute of Cultural Studies sa PUP, ang ganitong paraan ng paghahanap sa bayan ay isang pagtugon sa hamon ng literatura na lumikha ng bagong kamalayan na lilikha sa bagong bayan na sila namang bubuhay muli sa panitikan.

“Nais naming ibalik sa inyo ang pagpapahalaga sa panitikan. Para makuha namin yung attention niyo, punta muna kami don sa attention ninyo, don sa gusto ninyo, saka namin kayo hahatakin paitaas,aaani Atalia.

Dagdag pa ni Rivas, “sa paghahanap sa bayan, tinatanggap natin ang hamon ng Apokalipto. Sa pagtanggap sa hamong ito, nakahanda tayong tipunin muli ang arkipelago.Tayo ang maging boses ng ating panahon.Kaya ang panitikan, laging buhay” paghikayat ni Reyes.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.