BITBIT and makukulay na bandera, lobo at mga instrumento, masayang dumaan sa ilalim ng Arch of the Centuries ang 12,815 bagong mag-aaral ng UST noong ika-5 ng Agosto bilang bahagi ng taunang “Welcome Walk” na simbolo ng kanilang pagiging ganap na Tomasino.

“Sobrang saya at magical ng experience kasi ramdam mo na welcome ka talaga,” ani Eliza Elento, estudiyante mula sa College of Fine Arts and Design. “Ganap na ganap na Thomasian na kami.”

Ayon sa Office of the Registrar, naitala ang pinakamaraming bilang ng mga freshmen sa Faculty of Arts and Letters na pumatak sa 1,404, pumangalawa naman ang Graduate School freshmen na nasa 1,302 at pumangatlo ang Faculty of Engineering na may 1,252 na freshmen.

Matapos ang pagdaan ng mga estudyante sa arko, isang Misa ang idinaos sa UST Open Field kung saan pormal na sinalubong ni Rektor P. Herminio Dagohoy, O.P ang mga bagong Tomasino.

Sa kaniyang homiliya, hinikayat ng Rektor ang mga bagong Tomasino na huwag matakot sa mga suliranin na kanilang haharapin habang nasa unibersidad.

“Do not commence the academic year with a grasshopper mentality, but think that you have the power of a superhero. Face your giants,” aniya. “You don’t need to master all the elements and become an avatar to survive your fears.”

Dagdag pa ni P. Dagohoy kabilang sa mga kakaharaping “giants” ng mga mag-aaral ay ang mga propesor, pagsusulit at mga aralin.

“UST is where champions in life are born. We eat giants for breakfast,” ani P. Dagohoy.

Naging tradisyon na mula noong 2002 ang Welcome Walk, kung saan dumadaan sa makasaysayang arko sa harap ng Kalye España ang mga bagong Tomasino.

READ
UST's Lucky 17: Zaragoza, Bautista named National Artists

Ang Arch of the Centuries ay nagsilbing lagusan ng lumang gusali ng Unibersidad sa Intramuros, Maynila (nasira noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig), na dinaanan ng mga bayani at santong Tomasino. Isa-isang inilipat ang mga bato ng lagusan mula Intramuros patungo sa kasalukuyang lokasyon nito sa Sampaloc, hanggang pasinayaan ang arko noong 1954.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.