29 Agosto 2015, 12:09 a.m. NAGLABAS ng anim na akda
ang UST Publishing House (USTPH) sa taunang Philippine Literary Festival na
ginanap ika-28 ng Agosto, sa Raffles Hotel sa lungsod ng Makati.

Pinamagatang “Philosophy and Memory,” ang book
launch 
ay naglayon na ipakita ang iba-ibang anyo at tungkulin ng mga
gunita.

Muling inilathala ang “Filipino Woman Writing: Home and
Exile in the Autobiographical Narratives of Ten Writers” ni Cristina
Pantoja-Hidalgo, direktor ng UST Center for Creative Writing and Literary
Studies (UST-CCWLS) at dating punong patnugot ng Varsitarian.

Nailimbag na ito noong 1994, ngunit ito ay inilathalang muli
dahil kakaunti lamang ang nailimbag na autobiographic narrative ng
mga Filipinang manunulat, at ang mga ito ay nanatiling salat sa kritisismo.

Ang “Home of The Ashfall” ni John Jack Wigley, direktor ng
USTPH at propesor ng panitikan sa Unibersidad, ay isang talambuhay na may mga
nakatutuwang kuwento at mga ideya tungkol sa iba’t ibang mga paksa. Ayon sa
kanya, likas sa kanya ang pagsama ng katatawanan sa kanyang mga akda. Aniya,
“Humor cushions the abrasiveness of experience… it is the language of the
oppressed.”

Samantala, ang “Kumpisal” ni Chuckberry Pascual, resident
fellow 
ng UST-CCWLS, ay isang koleksyon ng mga maiikling kuwentong
naisulat niya simula 2005, tungkol sa mga miyembro ng komunidad LGBT na nasa
gitna at mababang uri ng lipunan.

Ani Pascual, ang akdang ito ay inilathala upang magkaroon ng
representasyon ang mga mababang uri sa panitikan. “[Ito ay upang] hindi
magkaroon ng pagkakahon o pagkakabura sa amin sa panitikian,” aniya.

Inilathala din ng USTPH ang akda ni Fr. Albert Alejo, S.J.,
na pinamagatang “Nabighani: Mga Saling Tula ng Kapwa Nilikha.” Ito ay
naglalaman ng mga tula na isinalin ni P. Alejo sa wikang Filipino mula sa mga
akda nina Gerard Manley Hopkins, Santa Teresa ng Avila, Santo Juan Pablo II,
San Francisco de Asis, at ng Papa Francisco. 

READ
'Go back to the basics'

Para kay P. Alejo, ang pagsasalin ay isang anyo ng paghanga,
o pagkabighani, sa kariktan ng panitikan. Dagdag pa niya, ang pagsasalin ay
maaaring gawin upang hindi makalimutan ang mga akda ng lumipas.

Ang tungkulin naman ng relihiyon sa paggunitang ito ang
binigyang pansin ng “Becoming Religion: Alfred North Whitehead and a
Contemporary Philosophical Reflection” ni Kenneth Cadena Masong. “Religion is a
repository of collective memory,” ani Masong. Sa relihiyon, ang tao ay
binibigyang-buhay ng Panginoon dahil ang kanyang mga nilalang ay laging nasa
alaala Niya, dagdag pa ng awtor.

Ayon naman kay Joel Pablo Salud, may-akda ng “The Chief is
in the House,” ang pag-alala ay isang mahalagang paraan upang maisabuhay muli
ang mga masalimuot na karanasan ng pagkabata. Ito rin ay nagsisilbing tulay na
nagdudugtong sa nakaraan at kasalukuyan.

Ang Philippine Literary Festival ay isang taunang
pagdiriwang sa pamumuno ng National Bookstore. Zenmond G. Duque II
at Cedric Allen P. Sta. Cruz

 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.