HANDA ang Unibersidad sa posibleng pagdating ng “The Big One”—ang lindol mula sa West Valley Fault na maaaring umabot sa 7.2 magnitude at magdulot ng malawakang pinsala sa kalakhang Maynila.
Matapos mailunsad ang “shake drill” sa kalakhang Manila noong ika-30 ng Hulyo, ang pangkalahatang hatol sa pagresponde ng Unibersidad ay tiyak ang kahandaan para sa kalamidad.
Batid ng direktor ng Office of Public Affairs na si Giovanna Fontanilla na matagumpay at maayos na nailunsad ang earthquake drill dahil sa maagang pagpaplano at masigasig na pag-aaral ng mga posibleng sitwasyon sa isang lindol. Malaking tulong rin ang seryosong pakikiisa ng mga tao sa aktibidad.
“Sinusubukan nating gawing second nature ang safety ng mga tao, [na makakamit] kapag paulit-ulit [na ginagawa ang mga drill],” ani Fontanilla na nangangasiwa sa impormasiyon sa ilalim ng UST Crisis Management Committee na pinamumunuan naman ni P. Manuel Roux, O.P., vice rector for finance ng Unibersidad.
Ang Crisis Management Committee ay hindi pa nakakapaglabas ng post-drill evaluation na maglalaman ng mahahalagang detalye ukol sa drill tulad ng mga mungkahi kung alin pang aspekto ang maaaring pagbutihin sa paghahanda ng Unibersidad, pati ang mga pagkukulang sa nasabing drill.
Gayunpaman, sinabi ni Bureau of Fire Protection Inspector Efren Bereñas na ang pagsasagawa ng earthquake drill sa Unibersidad ay pumatak lamang sa dalawang antas, “very evident” at “evident.”
Gawa ito ng mabilis na pagresponde ng mga kalahok sa drill pati na ang sistema ng paniniguro kung mayroong mga “nasaktan” o naiwan sa loob ng bawat gusali.
Ayon kay Bereñas, kung mayroon mang dapat pagbutihin sa drill, ito ang pagtawag o roll call ng bawat incident commander sa kani-kanilang departamento.
“Nasa [incident] commander na po ‘yan. Kailangan alam nila kung kumpleto, kung ilan `yung under nila,” aniya.
Dahil sa populasyon ng Unibersidad na lampas sa 40,000, batid ng kumander ng Security Office na si Joseph Badinas na sa panahon ng krisis ay halos imposible nang magpatuloy ng mga sibilyan sa loob ng Unibersidad.
Sinang-ayunan ito ni Bereñas na naglinaw pa na ang mga ahensya ng gobyerno ang mamumuno pagdating sa paglikas ng mga tao sa komunidad sa paligid ng Unibersidad.
Sakop ng shake drill noong Hulyo ang paglikas ng mga residente sa mga apektadong lugar hanggang sa pagresponde ng mga awtoridad. Kalahok sa aktibidad ang mga ahensya tulad ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development at Metro Manila Development Authority.
Ito ang kauna-unahang metro-wide na earthquake drill sa kasaysayan ng bansa.
Kasado ang depensa
Samantala, siniguro ng mga opisyal ng Unibersidad na makakayanan ng mga gusali sa loob ng pamantasan ang isang 7.2-magnitude na lindol.
Sa naunang ulat ng Varsitarian, sinabi ni Lawrence Pangan, tagapamahala ng Buildings and Grounds ng Unibersidad, na kayang labanan ng mga gusali ang isang lindol na aabot sa 8.0 magnitude.
Bagaman maaaring magkaroon ng malalaking pinsala sa mga gusali, hindi sila mapapatumba ng lindol.
Dagdag ni Rene Echavez, inhinyero sa Manila City Hall, pinapayuhan ng mga dalubhasa ang mga may-ari ng mga bahay at gusali na kailangang patibayin ang mga ito laban sa lindol.
“Anticipated na rin kasi sa design ng mga gusali ang mga lindol na tulad nito,” aniya. “Nagbago na kasi ang Building Code matapos ang lindol noong 1990 [sa Luzon].”
Ang lindol noong 1990, na may lakas na 7.8 magnitude at may epicenter sa Nueva Ecija, ay kumitil ng 1,621 na buhay. Ito ang naging basehan ng mga pagbabago sa ilalim ng Republic Act No. 6541 o ang National Building Code na dapat sundin ng mga gusaling ginagawa at pinapaayos sa buong bansa.
Ayon kay Reynaldo Rosario, isang inhinyero at tagapamahala ng Maintenance Division ng National Capital Region para sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ang mga departamento ng gobyerno tulad ng DPWH ay nakahanda na sa isang malawakang plano sakali mang mangyari ang mga trahedya tulad ng lindol.
Nakasaad sa Republic Act 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 ang bawat gampanin ng mga government organizations, non-government organizations, at local government units sa panahon ng sakuna.
Noong nakaraang taon, inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang kanilang pagsusuri sa West Valley Fault na mayroong malaking posibilidad na magsimula ng lindol na yayanig sa kalakhang Maynila at mga karatig lalawigan.
Ang nasabing lindol ay maaaring magdulot ng higit P2.6-bilyong halaga ng pinsala sa ekonomiya bukod pa ang higit-kumulang na 31,000 buhay na nasa peligro at tinatayang 14,000 hanggang 385,000 na kataong sugatan.