NAMAYAGPAG ang mga Tomasino sa nagdaang licensure examinations para sa Medicine, Nutrition and Dietetics, Occupational Therapy (OT) at Physical Therapy (PT).

Muling pumangalawa ang Unibersidad sa katatapos na Nutritionist-Dietitian Licensure Examinations.

Nagtala ng 98.77-porsiyentong passing rate ang UST kung saan 80 sa 81 na kumuha ng pagsusulit ang pumasa. Higit na mataas ito sa 90.53-porsiyentong passing rate noong nakaraang taon o katumbas ng 86 na Tomasinong pumasa mula sa 95 na kumuha ng pagsusulit.

Nasa ikapitong puwesto sa listahan ng 10 na nakakuha ng pinakamatataas na marka ang Tomasinong si Chelsea Rae Mercadillo na nagtamo ng 83.15-porsiyentong marka.

Bahagyang tumaas ang pambansang passing rate ng nutrition board exams sa 64.74-porsiyento, katumbas ng 705 na pumasa mula sa 1,089 na sumailalim sa pagsusulit, kumpara sa 63.59-porsiyento noong nakaraang taon o 634 na pumasa mula sa 997 na kumuha ng pagsusulit.

Samantala, natatanging top-performing school naman ang Unibersidad sa OT licensure examinations.

Nagtala ang Unibersidad ng 80.33-porsiyentong passing rate sa OT board exams kung saan 49 na Tomasino ang pumasa mula sa 61 na kumuha ng pagsusulit. Mas mataas ito sa 65.52 porsiyento na nakuha ng UST noong nakaraang taon.

Dalawang Tomasino ang napabilang sa limang nakakuha ng pinakamatataas na marka. Naghati sa ikalimang puwesto sina Mark Timothy Arroz at Edmund John Cayanong na parehong nakakuha ng gradong 80.

Tumaas ang pambansang passing rate ng OT board exams sa 62.94 porsiyento o 107 na pumasa mula sa 170 na kumuha ng pagsusulit, kumpara sa 57.06 porsiyento noong nakaraang taon.

Nagtala naman ang UST ng passing rate na 88.76 porsiyento sa PT licensure examinations kung saan 79 na Tomasino ang nakapasa mula sa 89 na kumuha ng pagsusulit. Bahagya itong mababa kumpara sa 91.74 porsiyento noong nakaraang taon kung saan 100 ang pumasa mula sa 109 na kumuha ng pagsusulit.

READ
Freshmen get early welcome

Pumangalawa ang Tomasinong si Ma. Jessica Sarah Isaac (markang 85.75) sa listahan ng 10 na nakakuha ng pinakamatataas na marka.

Tumaas ang national passing rate sa PT kung saan 63.36 porsiyento o 550 ang pumasa mula sa 868 na kumuha ng pagsusulit, kumpara sa 58.47 porsiyento noong nakaraang taon.

Samantala, natamo naman ng Unibersidad ang ikalimang pwesto sa listahan ng top-performing schools sa katatapos na Physician Licensure Examination ngayong Agosto, habang limang Tomasino ang kabilang sa 10 na may pinakamatataas na marka.

Nagtamo ang Unibersidad ng 98.31-porsiyentong passing rate kung saan 408 mula sa 415 na kumuha ng pagsusulit ang pumasa—pinakamarami sa bansa ngayong taon.

Pumangalawa si Jan Christian Feliciano (90 porsyento), ikalima si George Michael Sosuan (89.25), ika-anim si Ana Bianca Peralta (89.17), ikapito si Thomas Vincent Vergara (89.08) at pangsampu naman si Lester Bryan Co (88.83).

Tumaas sa 85.28 porsiyento ang pambansang passing rate para sa taong ito kung saan 2,491 mula sa 2,921 na kumuha ng pagsusulit ang pumasa, kumpara sa 81.25 porsiyento o 2,218 na pumasa mula sa 2,730 na kumuha ng pagsusulit noong nakaraang taon.

Kasama sa mga bagong duktor ang dating patnugot sa agham at teknolohiya ng Varsitarian na si Alena Pias Bantolo, at dating manunulat sa seksiyong Pintig na si Camille Abigael Alcantara. Kathryn V. Baylon at Dayanara T. Cudal

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.