MULA SA maliit na komunidad ng Bagong Silang sa Caloocan, umusbong ang pangarap ng Gawad Kalinga (GK), isang programa ng Couples for Christ na naglalayong magtayo ng mga tahanan para sa mga nangangailangan, sa adhikaing GK 777 o 700,000 kabahayan sa 7,000 komunidad sa loob ng pitong taon.
Humigit-kumulang 20,000 tahanan na ang naipatayo ng GK sa halos 800 komunidad sa iba’t ibang parte ng bansa simula nang maitatag ito noong Oktubre 2003, ayon kay Antonio Meloto, executive producer at tinaguriang ama ng GK.
“Sa taong ito, 565 komunidad na ang napabilang sa pabahay ng GK. At bago matapos ang taon, paaabutin ito sa isang libo,” ani Meloto, na nagwagi ng 2006 Ramon Magsaysay Awards para sa community leadership.
Sa naganap na GK Global Congress noong Hunyo 16 sa Ultra Sports Complex sa Pasig, 8,400 miyembro ng GK ang dumalo mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at maging sa iba’t ibang bansa.
Ayon kay Dr. Jose Yamamoto, propesor sa Faculty of Medicine and Surgery at miyembro ng GK International Board, nakakatuwang malaman na maliban sa mga Pilipino, nahikayat ding makiisa sa adhikain ng GK ang mga dayuhang nagmula pa sa Canada, India, East Timor at Papua New Guinea.
“Isang tunay na kabayanihan ang pagtulong na maisaayos ang bansa nang walang hinihiling na kapalit, kaya’t bayani ang bawat miyembro ng GK, Pilipino man o hindi,” ani Yamamoto.
Sa naturang kongreso na may temang GK Bayani Fiesta, ipinalabas ang isang video na nagpakita ng kalagayan ng mga miyembro ng GK sa pagtatayo ng mga pabahay. Kasama sa mga nakibahagi ang mga mag-aaral na aktibo sa GK mula sa Ateneo de Manila University, De La Salle University at University of the Philippines-Diliman.
Hindi pa gaanong lubos ang pagsali ng UST at mga estudyante nito sa GK, ”‘di pares sa ibang unibersidad gaya ng mga nabanggit,” ayon kay Yamamoto.
Nasaan ang UST?
Bagaman hindi tuwirang nakikibahagi ang UST sa pangkalahatang proyekto ng GK, hindi naman tuluyang ipinagwalang-bahala ng Unibersidad ang pagtulong sa mga maralitang Pilipino.
Sa katunayan, nakapagpatayo na ang UST ng Thomasian Ville, ang kauna-unahang GK village sa San Jose del Monte, Bulacan noong 2003 hanggang sa matapos ito noong 2005. Naitayo ito sa suportang galing sa ilang alumni ng UST Faculty of Medicine and Surgery.
“Sa kasalukuyan, mayroong 50 kabahayan na ang naitayo at pinaparami pa. Patuloy ang pagpapadala ng tulong pinansyal ng mga alumni para mapanatili ang Thomasian Ville,” sabi ni Yamamoto na siya ring nagpasimuno ng programa ng GK sa UST.
Bukod dito, mayroon ding sariling partner-communities ang UST na sinusuportahan nito simula pa noong 1990.
“Mayroong sariling komunidad ang UST na nangangailangan din ng atensiyon, tulad na lamang ng mga komunidad ng mga Aeta sa Tarlac. Sa kasalukuyan, 40 pabahay pa lamang ang naitayo para sa kanila. Gayumpaman, naniniwala ako na bukas ang Office for Community Development kung magkakaroon man ng pakikipagtulungan ang mga Tomasino sa GK,” sabi ni Fr. Tamerlane Lana, ang dating rektor ng Unibersidad.
Ayon kay Lana, mas mainam na pagtuunan muna ng buong atensiyon ng Unibersidad ang partner-communities nito, kabilang ang Barangay Malilit sa Lipa City, Sitio Layak sa Tarlac at Sapang Palay sa Bulacan.
Ngunit maliban sa pagtulong sa mga nasabing komunidad, nakikibahagi rin ang mga Tomasino sa mga proyekto ng GK sa pamamagitan ng Civic Welfare Training Service sa ilailm ng National Service Training Program (NSTP) simula 2003.
“Maliban sa pagtulong na makapagpatayo ng mga bahay sa ilang GK sites tulad ng Baseco, Tondo at Cainta, Rizal, nakagawa na ang mga Tomasino ng basketball at badminton court at isang aklatan sa Jaime Cardinal Sin Village sa Sta. Ana, Manila ” ani Dr. Lito Maranan, punong tagapangasiwa ng NSTP sa Unibersidad.
Ayon pa kay Maranan, sa tuwing nagkakaroon ng community service ang mga Tomasino sa labas ng Unibersidad, sinisigurado ng mga nangangasiwa ng NSTP na sa mga komunidad ng GK maglalaan ng serbisyo ang mga ito.
Sa ganitong sitwasyon, kung lubusan tutulong ang mga Tomasino, hindi malayong makamit ng GK ang pangarap nitong mabago ang kasaysayan ng kahirapan sa bansa lalo na at mayroon na lamang nalalabing apat na taon para makamit nito ang pangarap para sa mga maralitang Pilipino. C. G. F.