Propesyonalisasyon ng pagsasalin, isusulong sa Hasaan 7

0
3201
Photo courtesy of UST Facebook page.

BIBIGYANG-DIIN ang kahalagahan ng pagsasalin sa iba’t ibang larangan sa ikapitong taon ng pambansang kumperensiyang “Hasaan” na gaganapin sa ika-5 hanggang ika-7 ng Agosto sa Thomas Aquinas Research Complex Auditorium.

Ayon kay Wennie Fajilan, direktor ng Sentro sa Salin ng Unibersidad, makatutulong ang kumperensiya sa pagsulong na maging isang lehitimong sektor ang pagsasalin.

“[M]atitiyak nito ang pagsusulong ng de-kalidad na pagsasalin, proteksiyon sa karapatan ng mga manunulat at tagasalin pati na ang pagpapalawig ng intelektuwalisasyon ng Filipino,” wika ni Fajilan sa isang panayam sa Varsitarian.

Isusulong din ng kumperensiya na ito ang pagkilala sa multikultural na realidad ng wikang Filipino bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng “Pandaigdigang Taon ng mga Wikang Katutubo.”

Wika ni Fajilan, malaki ang tungkulin sa pagsasalin upang makita ang pagiging inklusibo ng wikang pambansa sa interaksiyon nito sa iba’t ibang wikang katutubo.

“Sa pagsasalin, nakikita ang pagkakatulad at pagkakaiba ng mga wika natin. [K]inikilala nito ang ambag ng mga wikang katutubo sa pagpapayaman ng mga konsepto na katangi-tangi sa higit 100 grupong etnolingguwistiko,” wika ni Fajilan.

Kasama sa mga tagapagsalita si Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), Michael Coroza, Voltaire Villanueva, Jayson Petras, Arthur Casanova at Rolando Bernales.

“Ang Papel ng Pagsasalin sa Interaktibong Ugnayan ng Wikang Pambansa at mga Wikang Katutubo” ang tema ng “Hasaan” ngayong taon.

Pangangasiwaan ito ng Departamento ng Filipino at Sentro sa Salin at Araling Salin ng Unibersidad, sa pakikipagtulungan ng KWF. M. U. Cotongan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.