MGA HERKULES kung tawagin noon ang mga kasapi ng isang samahan sa Unibersidad na nagpapahalaga sa kalusugan at kahubugan ng pangangatawan.

Taong 1928 nang itaguyod nina Rizal de Peralta at David Unson ang UST Physical Cultural Club na naglalayong payabungin ang kultura ng pag-eehersisyo sa buong Unibersidad at palawigin ang kamalayan ng bawat mag-aaral sa kahalagahan ng kani-kanilang kalusugan.

Mismong sina Peralta at Unson ang nagtustos para sa mga kagamitang pampalakasan mula sa mga barbell, dumbbell, chest expanders hanggang sa mga boxing gloves at kagamitang pang-eskrima upang maipakilala ang boksing at eskrima sa Unibersidad.

Tanging mga miyembro lamang ng UST Physical Cultural Club ang maaaring gumamit ng mga kagamitang pampalakasan na noo’y nakasilid sa isang orchestra room na nagsisilbing silid pang-ehersisyo ng grupo.

Ika-20 ng Enero ng taong iyon nang inihalal ang mga unang opisyal ng UST Physical Cultural Club: Peralta (Pangulo), Felix A. Savalion (Pangalawang Pangulo) at Joseto Tan Nery (Kalihim ng Ingat-Yaman). Kabilang naman sa board of directors sina Unson, Brigido Boldan, Potenciano de Leon, Jose Nievera at Jose Bucoy.

Tomasino Siya

Alam ninyo bang Tomasino ang kauna-unahang Asyanong pilosopo na nagbigay ng panayam sa harap ng prestihiyosong grupo ng mga pilosopo sa Europa?

Si Alfredo Co ang bukod-tanging Asyanong nagbigay ng panayam o “lecture” sa Conference Mondiale des Institutions Universitaires Catholiques de Philosophie (COMIUCAP), isang internasyunal na samahan ng mga unibersidad at institusiyong Katoliko na nagtataguyod sa pilosopiyang Katoliko.

Kinikilala si Co ngayon bilang natatanging Sinolohista at nangungunang pilosopo sa rehiyon. Siya ang nagtatag ng Philosophy Circle of the Philippines noong 1972.

READ
Ex-vice rector named head of 'UST Ethiopia'

Si Co rin ang unang pinagkalooban ng Unibersidad ng isang festschrift, lupon ng mga sulating nagbibigay pugay at pagkilala sa kagalingan ng isang akademiko–ang Across the Philosophical Silk Road: A Festschrift in Honor of Alfredo P. Co” noong 2010.

Higit apat na dekada nang nagtuturo ng pilosopiya sa bansa si Co. Nagtapos siya ng kursong Bachelor of Arts in Philosophy sa Unibersidad noong 1972. Dito niya rin nakamit ang kaniyang masterado at doktorado sa pilosopiya noong 1974 at 1976. Kumuha siya ng post-doctorate sa Sorbonne sa Pransiya.

Kasalukuyang pangulo ng Philippine Academy of Philosophical Research si Co at nagtuturo sa UST Graduate School.

Tomasalitaan

Danit (PND)-gawing magkasama o pagsamahin

Hal.: Wala akong ibang ninais, Nicole, kung hindi danitin tayo ng tadhana.

Mga Sanggunian:

The Varsitarian

TOTAL Awards Souvenir Program 2011

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.