NOON PA man, matunog nang usapin sa Unibersidad ang kahulugan at hangganan ng kalayaan para sa mga Tomasino.
Dati nang binigyang-diin ng dating dekano ng Faculty of Civil Law na si Andres Narvasa ang kahalagahan ng mga limitasiyon sa kalayaan ng mga mag-aaral sa pagpapahayag at pagkilos sa loob ng paaralan.
Sa isang simposyo na pinamagatang “Freedom in a University” noong 1969, sinabi ni Narvasa na “there can be no liberty without restraint; restraint produces freedom.”
Kaugnay ng usapin ukol sa kalayaan, laganap rin sa Unibersidad noong taong iyon ang mga tinaguriang “student rebels.” Sa kaniyang inambag na artikulo sa isang isyung inilabas ng the Varsitarian, ipinaliwanag ni Hernando Gonzales II ang kanilang mga ipinaglalaban na mailalarawang may malaking pagkakapareho sa situwasiyon ng Unibersidad sa kasalukuyan.
“While the majority of Thomasians are expectedly more interested in basketball, movies, dating, and making out in school, radical elements are busy sowing seeds of discontent,” aniya.
Binigay na halimbawa ni Gonzales ang mga student rebels ng Faculty of Arts and Letters na nagdeklara ng war of attrition laban sa Unibersidad. Sinalubong nila ang ikalawang semestre sa isang programang nakadirekta laban sa college council, sa mga pasibong mag-aaral, sa Varsitarian at sa administrasiyon.
“There is an exchange of manifestos and counter-charges in the hit-and-run battle between the council and the radicals. The rads seem to be doing most of ‘the hitting’— and the council doing most of the running,” ani Gonzales.
Sa parehong isyu, naglabas ng pahayag ang dating punong patnugot ng Varsitarian na si Hernando Magsangkay na pinabubulaanan ang mga umaakusa sa pahayagan ng pagkakalubog nito sa sensura ng administrasiyon ng UST.
“Lest we be misunderstood and labelled as lackeys of the Administration because of our editorial, we would like to stress at the outset that we have nothing against students activism. In fact, we welcome it. We would even be willing to lead the fight against the Establishment [UST] if we could honestly see the cause is unquestionably valid,” ani Masangkay.
Paliwanag naman ni Narvasa kaugnay ng academic freedom para sa mga miyembro ng fakultad, ito ang pagiging malaya na ituro ang pinaniniwalaan nilang tama at magsaliksik sa kung anong pinaniniwalaan nilang balidong panukala; samantalang para sa mga mag-aaral, nakabagay ito sa layunin nila sa Unibersidad.
Patungkol sa student power, sinabi ni Narvasa na hindi na ito bago. Sa katunayan, nagsilbi pa silang hamon para sa mga propesor sa Unibersidad para pag-ibayuhin pa ang kanilang pagtuturo at nang makapagbahagi ng mas maraming kaalaman.
Naniniwala si Narvasa na nais lang ng mga mag-aaral na mapakinggan. Gayunpaman, pinaalalahanan niya ang mga ito na maaaring malagay sa alanganin ang buong Unibersidad kung ito ay sumosobra.
“If students are now very freedom-conscious, it is because teachers have shown them the way,” ani Narvasa.
Naging punong hukom ng Filipinas si Narvasa mula ika-1 ng Disyembre 1991 hanggang ika-30 ng Nobyembre 1998.
Tomasino Siya
Alam n’yo bang isang Tomasino ang patuloy na gumagawa ng ngalan sa larang ng siyensiya?
Bilang isang microbiologist, personal na layunin ni Dr. Thomas Edison dela Cruz, pangulo ng UST Department of Biological Sciences, na mapalawig ang fungal biodiversity conservation sa bansa. Kabilang sa kaniyang mga hangarin ang maturuan ng agham ang mga bata sa murang edad.
Taong 1996 nang magtapos si Dela Cruz ng BS Microbiology at taong 1999 ng MS Biological Science sa Unibersidad. Nagtapos naman siya ng Doctor of Natural Sciences sa Technical University Braunschweig sa Germany.
Bukod sa pagiging isang senior faculty researcher, si Dela Cruz rin ang kasalukuyang pinuno ng Fungal Biodeivesity and Systematics (FBS) group ng Research Center for the Natural and Applied Sciences ng Unibersidad.
Ginawad kay Dela Cruz ang Third World Academy of Sciences (TWAS) Prize for Young Scientist in the Philippines noong 36th Annual Scientific Meeting of the National Academy of Sciences and Technology (NAST) bilang pagkilala sa kaniyang mga mahahalagang saliksik sa larangan ng Biology.
Kinilala rin siya bilang honorary fellow ng Indian Mycology Society.
Tinanggap rin ni Dela Cruz ang mga susumunod na parangal: Mycological Society of America-Martin-Baker Research Award, UNESCO Man and Biosphere Programme-Young Scientist Award, at American Society for Microbiology-UNESCO Leadership Grant for International Educators. Maria Koreena M. Eslava
Tomasalitaan
Tangongitik (PNG) – pangakong hindi natutupad.
Hal. Malapit na ang eleksiyon. Kaliwa’t kanan na naman ang tangongitik ng mga pulitiko.
Mga Sanggunian
The Varsitarian: Tomo XL Blg. 24, Enero 28, 1969
TOTAL Awards Souvenir Program 2011