Noong ika-15 ng Agosto, pormal nang binuksan ang UST Sewage Treatment Plant (STP) na matatagpuan sa likod ng gusali ng San Martin de Porres. Ang magarbong pasilidad na matatagpuan sa ilalim ng lupa ay tinatayang umabot sa 35 milyon piso para matapos. Ang UST lamang ang tanging akademikong institusyon sa bansa na nakasunod sa panawagan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magkaroon ng sistematikong paraan ng pagalis sa domestic waste.

Sa pagkakatayo ng STP, hindi lamang pagkalinga sa kalikasan ang naiambag ng Unibersidad sa bansa kundi pati na rin ang paggamit nang husto sa mga likas yaman.

Proseso

Nagsisimula ang sewage treatment mula sa dalawang malaking tubong panuluyan ng lahat ng sewage o dumi na galing sa pamantasan (mga palikuran, laboratoryo, at opisina) at sa mga ospital (Pay Division, Clinical Division at Medical Arts). Sa halip na tumuloy sa mga kanal patungo sa drainage system, pupunta ang tubig dumi sa Primary Tank (PT) kung saan mahaharang ng motorized bar screen sa dulo ng tubo ang lahat ng mga bagay maliban sa likidong anyo tulad ng mga plastik, tela, at mga namuong grasa. Mula rito, ililipat ang tubig sa 250 cubic meter na Equalization Tank (ET) para isagawa ang pre-aeration at neutralization ng tubig sa loob ng dalawa’t kalahating oras. Sapagkat bukas 24 na oras ang STP sa tulong ng 100% standby generator, magtatagal muna sa PT ang mga susunod na proseso bago pumunta sa Sequence Batch Reactor (SBR) ang tubig sa ET.

May dalawang SBR o Main Treatment Tanks na may parehong sukat na 550 cubic meter. Sa prosesong ito, binubuhay ang mga bacteria sa pamamagitan ng pagsusu-suplay ng Oxygen (Biochemical Oxygen Demand) mula sa limang Anlet BH 125 Blowers na mahalaga para mapanatiling normal ang organikong komposisyon ng tubig at nang hindi ito mangamoy.

READ
UST holds pastoral assembly

“Mahalagang alerto ang nagbabantay sa control room dahil may manual electro-mechanical feature ang SBR bukod pa sa Programmable Logic Control nito. Dapat tama lang ang binobomba (oxygen) dahil pwedeng mamatay din ang bacteria kapag sumobra o kulang,” sabi ni Engr. Orlando Tacaca, structural engineer ng STP. Hinahayaang tumining ng tatlo hanggang tatlo’t kalahating oras ang mga maliliit o microscopic na laman ng tubig sa SBR bago ito ibomba sa Clear Water Tank (CWT).

Sa CWT na may lalim na 100 cubic meter pinapanatili ang nalinis nang tubig para gamutin ng klorina. Dito pinapatay nang tuluyan ang mga mikrobyo para mailipat na sa Effluent Tank na matatagpuan sa ibabaw ng lupa o sa taas ng planta. Kapag nakarating na rito, maaari nang ibalik ang tubig na may pH level na 6 hanggang 9 (basic) sa mga tubo para magamit sa mga tanke ng banyo, irigasyon at panlinis ng sasakyan.

Benepisyo

Bukod sa operasyonal na tulong ng proyektong ito para sa kalikasan, marami pang malawak na dahilan para ituring na importante ang pasilidad na ito. Ilan sa mga ito ay ang posibleng pagkakaroon ng mga dagdag na kurikula sa mga mag-aaral ng Agham at Inhinyeriya na may tsansang magkaroon ng teknikal na pagsasanay at praktikal na aplikasyon nito. Dagdag pa rito, maaari ring magkaroon ng mga programa o kursong nauukol sa pagdisenyo, paggawa at pagmamaniobra ng STP, Ventilation at Pollution Control at Water Recovery, Recycle and Reuse Systems. Hindi rin malayong tustusan ng mga internasyonal na organisasyon ang pondo para sa mga balaking saliksik na nauukol pa rin dito.

READ
New mystery boosts rosary devotion

Puspusan ang mga programa ng Unibersidad upang tuluyang gawing maka-kalikasan ang buong UST. Bagamat bago at masusubok pa lamang ang epekto nito sa pamantasan, ito ay maituturing na malaking hakbang hindi lamang tungo sa pagpapaunlad ng mga pasilidad ng Unibersidad kundi pati na rin ang pagpapaunlad ng relasyon ng UST sa komunidad at sa buong bansa.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.