December 10, 2015, 4:08p.m. – WAGI ang tatlong Tomasinong propesor sa ika-34 na National Book Awards (NBA) noong ika-6 ng Disyembre para sa kanilang mga aklat sa Filipino.

Nakamit ni Joselito de los Reyes, propesor sa Faculty of Arts and Letters, ang Best Book of Essays in Filipino para sa kaniyang aklat na “iStatus Nation” na inilimbag noong 2014.

Inuwi naman ni Rebecca Añonuevo ang Clodualdo del Mundo Sr. Award For Best Book of Literary Criticism/Literary History In Filipino. Ito ang kaniyang ika-apat na NBA, at ikalawa para sa kritisismo. Ang kaniyang aklat ay may pamagat na “Talab:  Mga Sanaysay sa Wika, Panitikan, at Pagtuturo.”

Tagumpay rin ang aklat na “Ambagan 2011: Mga Salita Mula sa Iba’t Ibang Wika sa Filipinas” para sa NBA for Language Studies na pinatnugutan ni Michael Coroza katuwang si Galileo Zafra.

Ipinagkakaloob ng National Book Development Board, katuwang ang Manila Critics Circle, ang taunang NBA sa mga bukod-tanging aklat.

Para kay de los Reyes, dagdag motibasiyon ang parangal upang ipagpatuloy ang kaniyang mga akda.

“Balidasyon at inspirasyon ito na, palagay ko, nagsasabing patuloy pang magsulat, makinig, umunawa sa nangyayari sa paligid, na patuloy pang gamitin ang medium ng Facebook bilang lunsaran ng pagpapabasa at pagpapaunawa ng bagay-bagay sa maraming tao na nasa ganito ring platform,” ani de llos Reyes sa isang panayam.

Inialay naman ni Añonuevo ang kaniyang pagkapanalo sa mga kapuwa guro sa Miriam College.

“Ang aklat ay iniaalay ko para sa mga kapanalig kong guro. Hindi lamang sa magiting naming kolehiyo kundi sa buong bansa na ngayon ay nalalagay sa ‘di tiyak at alanganin dahil sa napipintong pagpapatupad ng gobyerno ng programang K-12,” ani Añonuevo sa kaniyang talumpati bago tanggapin ang parangal.

Hinirang si de los Reyes ng Komisyon sa Wikang Filipino bilang Makata ng Taon noong 2013. Kasalukuyang nagtuturo siya ng mga kursong panitikan sa Unibersidad. Siya rin ang awtor ng mga librong “Paubaya” (2012) at “Titser Pangkalawakan at iba pang angas sa social network underworld” (2015).

Nagtapos ng bachelor of arts at master’s degree in literature sa Unibersidad si Añonuevo. Naunang nagwagi ng NBA si Añonuevo para “Talinghaga ng Gana: ang Banal sa mga Piling Tulang ng ika-20 siglo,” “Saulado: Mga Tula noong 2006” at “Isa Lang ang Pangalan: Mga Tula.”

Nagtapos din si Coroza ng bachelor of arts in philosophy sa Unibersidad at nagsilbi bilang patnugot sa Filipino ng Varsitarian. Kapuwa naging finalist sa NBA ang dalawang naunang aklat ng tula ni Coroza na “Dili’t Dilim” (1997) at “Mga Lagot na Liwanag” (2002). Jasper Emmanuel Y. Arcalas

2 COMMENTS

  1. I am so proud of these three Thomasians…Although I don’t know them , still. I’m happy they got those awards and proud to be from the University of Santo Thomas.
    I’m a graduate from Arts and Letters myself many , many years ago. But Id been gone the country since 1977…but I do read the Varsitarian through Facebook.

  2. I am so proud of these three Thomasians…Although I don’t know them , still. I’m happy they got those awards and proud to be from the University of Santo Thomas.
    I’m a graduate from Arts and Letters myself many , many years ago. But Id been gone the country since 1977…but I do read the Varsitarian through Facebook.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.