SA BAWAT pagtatapos ng akademikong taon, nagiging maingay ang pulitika sa loob ng Unibersidad partikular sa eleksiyon ng Central Student Council (CSC), ang pinakamataas na governing student body sa UST.
Gayun pa man, alam n’yo bang may nauna nang University-wide student body bago pa maitatag ang CSC?
Sa isyu ng Varsitarian noong akademikong taong 1927-1928, inilimbag ang rekomendasiyon ng isang hindi pinangalanang opisyal ng Unibersidad ukol sa pagtatatag ng “Board of Students,” na naglalayong magsilbing tagapamagitan sa mga mag-aaral at sa mga dekano o sa Rektor.
Sa dalawang sangay ng CSC sa kasalukuyan, mas hawig ang Board of Students sa Central Board kaysa sa Executive Board.
Ang Executive Board ay binubuo ng anim na opisiyal (president, vice president, secretary, treasurer, auditor at public relations officer) na ibinoto ng mga mag-aaral sa buong Unibersidad kaya hindi tiyak kung saang fakultad o kolehiyo manggagaling ang mga maluluklok sa puwesto.
Samantala, ang naunang Board of Students ay binubuo ng tatlo hanggang apat na kinatawan mula sa bawat kolehiyo sa kondisiyong hindi lalampas sa 20 ang kabuuang bilang nila—bahagyang pareho sa ngayong Central Board na binubuo ng mga pangulo ng mga local student council mula sa bawat fakultad at kolehiyo sa UST.
Kaiba naman sa dalawang sangay ng CSC, isang pambihirang katangian ng Board of Students ang pagkakaroon ng isang class reporter mula sa bawat klase na magsisilbing correspondent para sa Varsitarian.
“Such a step as the formulation of a Board of Students in the University of Santo Tomas is one of the best ways by which we can create a better and greater university spirit among our students,” pagsasalaysay sa nalimbag na artikulo.
Taong 1981 nang itatag ang CSC, kasama ang dalawang sangay nito, ang Executive Board at Central Board.
Tomasino siya
Patuloy na pinagyayaman ng isang Tomasinong inhinyero ang makabagong teknolohiya ng pagtatayo ng imprastraktura sa bansa sa pamamagitan ng kaniyang kahusayan sa structural engineering.
Ang abilidad ni Engr. Jose Sy ang nagpababa sa mataas na presyo ng konstruksiyon ng mga gusali sa pamamagitan ng paghahalo ng mga pangunahing materyales tulad ng konkreto at bakal habang ginagamit ang mga natatanging disenyo gaya ng post-tensioning.
Sa konseptong ito, pinatitibay ng mga kable sa pagitan ng mga haligi ang isang istruktura na mayroong kumplikadong hugis at porma. Bagama’t mas manipis ang mga hanay ng sementong ginagamit sa ganitong paraan, nakamamangha ang tibay nito na maaasahang ligtas sa mga sakuna.
Bago nakilala ang kumpanya ni Sy ngayon na Sy^2 + Associates, itinatag ito noong 1983 sa pangalang Aromin, Origenes and Associates Inc. at napatanyag bilang Aromin & Sy + Associates, Inc. (ASAI), na kinakitaan na noon pa man ng kalidad ng paggawa.
Sa kanilang mga unang taon, nakatanggap na agad sila ng ilang proyekto sa Middle East at Guam bago maatasang idisenyo ang Pacific Plaza Condominium at ang SM Megamall, kasalukuyang pinakamalawak na shopping mall sa bansa, noong 1987.
Bilang presidente ng naturang structural engineering design firm, nakilala rin siya sa paggamit ng permanent retaining wall systems na binubuo sa pamamagitan ng mga paraang geoteknikal gamit ang soldier piles, secant piles, sheet piles at diaphragm walls.
Espesyal ang mga nabanggit na materyales na may kakayahang sumalungat sa mga tulak at galaw ng lupa upang maging ligtas ang gusali sa lindol.
Nagtapos si Sy bilang cum laude sa kursong Civil Engineering sa Unibersidad noong 1978, bago maluklok sa ika-11 puwesto sa Civil Engineering Licensure Examination nang sumunod na taon.
Naging miyembro rin siya ng Philippine Institute of Civil Engineers (PICE), American Concrete Institute (ACI) at American Society of Civil Engineers (ASCE). Maria Koreena M. Eslava at Bernadette A. Pamintuan
Tomasalitaan
Himagal (png)—sahod; kita
Hal.: Hindi niya ramdam ang pagtaas ng kaniyang himagal dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin.
Mga Sanggunian:
2009 TOTAL Awards Souvenir Program
The Varsitarian, Tomo II, Blg. 1, Hulyo 1, 1928