DAHAN-DAHANG pinapapikit
ang pinto ng simbahan
habang pinasasayaw ang kampana
sa ligalig at pag-asa. Pauunahin
ko pumasok ang mga pagkukulang:
pagkalimot sa anibersaryo ng kasal
nina Ima at Taytay;
hindi paghahanda ng almusal at baon
sa pagpasok ng aking nobyo;
at pagtalikod sa isang trabaho abroad
dahil hindi nais mawalay
sa piling ng aking mga mahal.
Saka pasusunurin
ang mga papuri at pasasalamat:
”Nandito lang kami, anak.”
”I do.”
”Huwag kang maging kumander ha?”
At kapag nakapasok na ang huli
sa pila: ang aking mga agam-agam
Saka ako pipikit
hihinga ng malalim, ngingiti
Aalalahanin ang habilin ni Ima kagabi
habang dahan-dahang bumubukas
ang pinto at pinasasayaw ang mga kampana:
Mahaba-haba ang prusisiyong ito, Elena.
Jasper Emmanuel Y. Arcalas