Wikang Filipino, tampok sa Waze

0
2388

TAMPOK na rin ang Wikang Filipino sa navigation app na Waze.
Ito ay naging posible matapos pangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pagsasalin ng 2,846 threads o ang mga sugnay na madalas gamitin upang makapagbigay ng mas mabilis na direksyon sa naturang app.
Ayon kay Dr. Benjamin Mendillo, pinuno ng sangay ng pagsasalin sa KWF, mas mainam ang paggamit ng wikang Filipino lalo na sa pagbibigay ng direksiyon.
“Nakatatak na ang wikang Filipino sa pandaigdigang komunidad na mayroong kakayahan na tumbasan o isalin ang mga salita sa pagbibigay ng direksiyon na katangian ng isang maunlad na bansa. Nagkakaroon tayo ng kumpiyansa sa sariling wika sapagkat ito ay nakapasá sa pandaigdigang pamantayan na kinikilala at ginagamit na app—ang Waze,” wika ni Mendillo.
Isa ang Waze sa mga patok na mobile application na ginagamit sa nabigasiyon sa trapiko hindi lamang sa Filipinas kundi sa buong daigdig. Gumagamit ito ng crowdsourcing, isang makabagong paraan ng pag-uugnayan ng mga taong-bayan upang maghatid ng mga nangyayari sa kalagayan ng mga lansangan lalo na sa pagtunton ng pinakamainam na daan. Naipapakita rin dito ang mga aksidente, mga saradong kalsada, babala at iba pa.
Paglilinaw ni Mendillo, mananatili sa anyong Ingles ang pagbigkas sa mga salitang hindi nakasalin tulad ng U-turn sapagkat may mga simbolo na kinikilala sa buong mundo na dapat estandardisado.
“Jargon ito ng public works and highways at engineering kaya ito ay isang teknikal na salitang ‘di dapat pang tumbasan sapagkat imbes na makatulong ay baka makalilikha pa ng kalituhan sa publiko,” wika ni Mendillo.
Dagdag pa niya, kaya namang isalin lahat ng mga salita ngunit iniiwasan na maging katuwa-tuwa ang anyo nito o maging ‘di angkop sa panlasa ng madla.
Para naman kay Roy Rene Cagalingan, tagapagsaliksik sa wika at tagasalin sa KWF, mahalaga na maisalin ito dahil naniniwala siya sa bisa at talab ng wikang Filipino pagdating sa direksiyon.
“Hindi na lang natin ginagawang default ang Ingles sa ating mga gadget at app, magagamit na rin natin ang wikang Filipino upang maging mas maginhawa ang iba’t ibang aspekto ng ating buhay,” ani Cagalingan.
Umaasa si Cagalingan na mas mauunawaan ng mga motorista sa Filipinas ang pasikot-sikot sa mga lansangan gamit ang Filipino.
“Kung mas nauunawaan ang kalikasan ng lansangan at mga batas nito, umasa rin tayo na bababa ang insidente ng paglabag at aksidente,” dagdag pa niya.

Si Adora
Binanggit din ni Mendillo na mahalagang marinig ng mga motorista ang mga panuto ni Adora, ang pangalan ng voice prompter sa wikang Filipino, upang maging estandardisado ang mga salitang Filipino na nagtuturo ng direksiyon.
Kaugnay naman nito, maraming mungkahi ang ilang Filipino sa social media ukol sa mga posibleng gamiting boses para sa Filipino voice prompts ng Waze. Marami dito ay mga boses at paraan ng pananalita ng mga artista.
Tinutulan ni Mendillo ang panggagayang ito dahil, aniya, seryosong kompanya ang Waze at hindi nila pahihintulutan ang anumang bagay na lilikha ng kontrobersiya.
“Ang kanilang mga talent na voice prompter ay batay sa mahigpit na pamantayan sa kahusayan sa malinaw na pagbigkas at kaalamang wika na batay sa isinalin na threads na esensiyal sa command prompts ng app,” paglilinaw niya.
Iminungkahi naman ni Cagalingan na gamitin ang tinig na malinaw at tama ang pagbigkas upang hindi magdulot ng pagkalito sa mga gagamit ng app.
Dagdag pa rito, nililinang din ng KWF ang kanilang proyekto sa pagsasalin ng mga paunawa o road signs sa Filipinas sa pakikipag-ugnayan naman sa Department of Public Works and Highways.
Sa kasalukuyan, sinisimulan na rin nilang isalin ang mga senyas at ilang pabatid sa kalsada na nakalimbag sa Ingles upang higit na maunawaan ng publiko.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.