SA IKA-100 anibersaryo ng Philippine Cinema, makikitang isa sa mga paraan ng pagpapakita ng mga kaugalian ng Filipino ang pagpapalabas nito sa pelikula. Sa ikatlong taon ng Pista ng Pelikulang Pilipino, inilathala ang mga pelikulang kaugnay sa “Pamilya, Pagkakaibigan at Pag-ibig.” Pinamunuan ito ng Film Development Council of the Philippines katuwang ang mga sinehan sa buong Filipinas.

Para maunawaan ang mga katotohanan at kahalagahan ng mga aral na nakapaloob sa mga pelikulang ito, sinikap ng Varsitarian na pagnilayan ang mga tampok na pelikula noong ika-13 hanggang ika-19 ng Setyembre.

Lola Igna

(Kuha mula sa trailer ng pelikula sa YouTube)

Nakamamangha kung paano tinalakay ni Eduardo Roy Jr. sa kaniyang pelikulang Lola Igna ang kamatayan sa paraang maaantig ang puso ng manonood.

Tampok sa pelikulang ito ang isang 118 na taong gulang na babae na si Ignacia Garcia (Angie Ferro) o Lola Igna, na mayroong payak na pamumuhay sa kaniyang munting tahanang malapit sa palayan.

Tanging ang apo na lamang niyang si Nida (Maria Isabel Lopez) at ang kaniyang pamilya ang nag-aaruga kay Lola Igna.

Sinali si Lola Igna sa patimpalak bilang pinakamatandang tao sa buong mundo nang magkaroon ng interes ang alkalde ng kanilang lalawigan (Soliman Cruz) sa parangal na ito dahil sa malaking premyo.

Kalaunan, sumikat sa social media si Lola Igna at unti-unting dinayo ng mga tao upang makakuha ng retrato kasama siya. Pero, mapapansing ayaw makihalubilo ng matanda sa mga tao dahil tila hindi niya gusto na binibigyan siya ng atensiyon ng mga tao.

Sa kabila ng kasikatan ni Lola Igna, hindi pa rin maitatagong kasama sa kaniyang pagtanda ang kalungkutan. Makikita ito sa isang parte ng pelikula kung saan kumakain siya ng almusal habang kausap ang retrato ng kaniyang asawang sumakabilang-buhay na.

Nakilala niya si Tim (Yves Flores), anak ng kaniyang apong si Ana (Meryll Soriano). Sa una nilang pagkikita, itinaboy siya ni Lola Igna ngunit nang magpakilala ito bilang anak ni Ana, walang pagdadalawang-isip siyang tinanggap ng matanda.

Ipinabatid ni Tim ang pagnanais na maging vlogger at gusto sana niyang ilathala ang payak na buhay ni Lola Igna. Lumipas ang araw at mas naging masigla si Igna dahil sa presensiya ng kanyang apo sa tuhod.

Naipabatid ng pelikula ang mensahe na isang realidad na kailangang harapin ang kamatayan, nino man.

Circa

(Kuha mula sa trailer ng pelikula sa YouTube)

Sumasalamin sa pagdiriwang ng sentenaryo ng industriya ng pelikulang Filipino ang pelikulang ito ni Adolf Alix, Jr.

Pinagbidahan ng batikang aktres na si Anita Linda ang pelikula bilang si Donya Atang, isang dating film producer na nais makasama sa kaniyang ika-100 na kaarawan ang lahat ng kaniyang nakatrabaho.

Nangakong iimbitahan ng kaniyang apo na si Michael (Enchong Dee) ang lahat ng mga artista at tauhan ni Donya Atang.

Mapapansin kay Donya Atang ang kaniyang pagka-ulyanin dahil madalas na hindi niya makilala ang mga tao maging ang kaniyang mga kamag-anak.

Sa isang bahagi ng pelikula, ibinalak ng mga anak ni Donya Atang na ibenta ang lumang bahay kung saan nakatira ang matanda pero mariin ang pagtutol niya rito.

Nang sumapit ang kaarawan ni Donya Atang, makikita ang kasiyahan ng matanda dahil dumating ang ilan sa kaniyang mga artistang pinasikat at iba pang mga nakatrabaho sa industriya.

Nagmistulang oda para sa pelikulang Filipino ang “Circa” na maaaring napag-iwanan na ng panahon para sa iba, ngunit para sa pelikulang ito, ipinaaalala na dapat itong i-preserba para sa susunod na henerasyon.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.