SINO nga bang makapagsasabi kung handa ka na?
Mula nang pumasok ako sa Unibersidad apat na taon na ang nakalipas hanggang ngayong nakapagtapos na ako, naging karaniwan nang tanungin ako kung bakit pinili kong mag-aral sa UST gayong nakapasa naman ako sa UP at Ateneo. At sa bawat tanong, ang isinasagot ko lang ay “Bakit hindi?”
Ngunit ngayon, masasagot ko na ito nang mahinahon at walang halong panunuya. Kahit bumalik pa ako sa panahon ng pagdedesisiyon kung saan ako mag-aaral, UST pa rin ang pipiliin ko. Hindi dahil naniniwala akong ito ang pinakamagaling na institusiyon ngunit dahil hindi ko gugustuhing hindi makilala ang mga taong naging parte ng aking buhay sa kolehiyo.
Sa unang dalawang taon ng aking pamamalagi sa Unibersidad, ako ay nangapa sa kung anong extra-curricular activity ba ang dapat kong itaguyod. Habang sa huling dalawa naman ay aking pinagnilayan kung tama bang Varsitarian ang napili ko.
Bukod sa cliché na dahilang passion ko talaga ang pagsusulat, aaminin kong masarap lang rin talaga sa pakiramdam na maging kauna-unahang V staffer mula sa Alfredo M. Velayo College of Accountancy.
Pero sa loob ng dalawang taon, madalas ko tinatanong sa sarili ko, “So what?” Anong mapapala ko sa passion at pride? Magiging partner ba ako agad sa Sycip Gorres Velayo & Co. kapag nalaman nilang nasa staff box ako ng “V”?
Ano nga naman ba ang koneksiyon ng periyodismo sa kurso ko? Kaiba sa mga student council at mga opisyal na organisasiyon sa aming kolehiyo na humuhubog sa liderato at kasarinlan ng mga miyembro nito, paano makatutulong sa pagkukuwenta at pagbibigay-kahulugan ng pampinansyal na impormasyon ang pagsasanay sa pagsusulat?
Hindi ko mabilang ilang beses ko naisip at binalak na magbitiw na lang dahil sa pangamba na maapektuhan ang aking mga marka o mas malala, ma-delay ako sa pagmartsa.
Hindi ko na rin mabilang ilang mga tulog ang ipinagpaliban ko para sa pag-aaral at pag-asikaso sa mga class reports kasabay ng mga pagsasalin ng mga kumperensiya o panayam at pagsusulat ng mga artikulo.
Hindi ko lubos maisip kung paano ko napagsabay ang pagsasagawa ng feasibility study at ang pagpunta sa mga coverage; ang pagsasagawa ng strategic management paper at pamamatnugot.
Gayun pa man, sa kabila ng lahat ng hirap at pag-aalinlangan, pinili kong manatili sa publikasiyon. Marahil ay dahil na rin ito sa mga salitang mula kay Atty. Eldric Peredo, dating punong patnugot ng V, na tumatak sa akin noong unang araw ko sa publikasyon: “Higit na kailangan ninyo ang Varsitarian kaysa kailangan kayo nito.”
Liban sa mga koneksiyong mabibigay nito, marami akong natutunan mula sa mga naging karanasan ko bilang parte ng pahayagan at pinakapanghahawakan ko sa mga ito ang “pagtanggap” at “pagpapahalaga.”
Tunay ngang walang koneksiyon ang peryodismo sa kurso ko. Gayun pa man, nanatili ako sa V dahil hindi naman ito tungkol sa kung anong extra-curricular activity ang dapat kong itaguyod para pahalagahan ako sa magiging trabaho sa hinaharap.
Ang pagsisikap sa kolehiyo kasabay ng mga extra-curricular activity ay higit pa sa layuning makahanap tayo ng disenteng trabaho paglabas natin sa Unibersidad. Inihahanda tayo ng mga ito sa mapagkutyang lipunang na maaaring magligmok sa iyo kung hindi mo alam ang iyong tunay na halaga.
Sa Batch 2016, mga kapuwa ko nagsipagtapos, hindi dito nagtatapos ang ating paglalakbay. Sa mga kapuwa ko Tomasino, huwag kayong matakot na galugarin ang Unibersidad makita lang ang halaga ninyo.
Ngayon masasabi kong handa na akong harapin ang mga panibagong pagsubok na ibibigay sa akin ng buhay dahil sa tulong ng UST at ng Varsitarian—sa pagpapakita ng mga ito sa akin ng aking tunay na halaga.