HINDI sukat akalain ni Michelle Ann Ngu, nasa ika-apat na taon sa kursong Communication Arts, na siya ang makatatanggap ng Rector’s Literary Award (RLA), ang pinakamataas na parangal sa ika-24 na Gawad Ustetika Patimpalak Pampanitikan na ginanap noong ika-6 ng Disyembre 2008 para sa dulang “Good Mourning.”

Dalawang taon na ang nakalilipas, ipinasa ni Ngu ang naturang akda sa UST Office of Student Affairs (OSA) para sana sa taunang produksiyon ng Artistang Artlets, ang opisyal na organisasyong panteatro ng Faculty of Arts and Letters, ngunit hindi ito inaprubahan.

“Kahit alam kong kasama ang kritisismo sa pagsusulat, sumama ang loob ko [nang hindi ito sinang-ayunan ng OSA] dahil malapit sa puso ko yung dula. Sabi nga nila, para kang nanganganak kapag gumagawa ng script, at dito parang na-discriminate ‘yung anak ko bago pa man siya nakapaglakad. But it was a humbling experience,” ani Ngu na siya ring itinanghal na Mandudula ng Taon.

Pumapatungkol ang akdang “Good Mourning” sa walang katapusang bangungot ng isang kerida na naniniwala na ang perpektong mundo ay isang impiyerno.

“Gumigising siya [ang bida sa akda] araw-araw sa isang bangungot kung saan lahat ng taong nasaktan niya ay perpekto at walang kasing bait na pinagsisilbihan siya, pinapatay siya sa konsensya,” paliwanag ni Ngu.

Ibinibigay ang RLA sa akdang nagkamit ng unang gantimpala sa kategoryang kinabibilangan nito, at sumasalamin sa Katolikong pananaw ng pagkaligtas at grasya. Personal itong pinili ng Rektor ng Unibersidad na si Fr. Rolando de la Rosa, O.P.

Pagkilala sa mga nagwagi

Walang nag-uwi ng ikalawang karangalan para sa kategoryang Dulang May Isang Yugto subalit nakamit ni Keavy Eunice Vicente (Ikalawang Taon – Journalism) ang ikatlong gantimpala para sa dulang “Coffee Break.”

Pinangunahan naman ni Dianne Karen Consolacion, na isa sa mga kalahok sa nakaraang Palihang Pampanitikan ng Varsitarian ang mga nagwagi sa Katha. Itinanghal na Kuwentista ng Taon si Consolacion, na nasa ika-apat na taon sa kursong Nursing, para sa kanyang akdang “Lata.” Tungkol ito sa isang manggagawa sa pagawaan ng sardinas na nagdaraan sa identity crisis.

Walang nakakuha ng ikalawa at ikatlong puwesto, subalit nagkamit naman ng karangalang banggit sina Julie Ann Dominique De Leon (Unang Taon – Library and Information Science), isa ring fellow sa nakaraang palihan, at Raymond Yadao (Ikalimang Taon – Music) para sa kanilang mga akdang “Emo” at “Panganay,” alinsunod sa kanilang pagkakasunod.

Kinilala naman bilang Thomasian Fictionist of the Year si Jacob Dominguez, ikatlong taon sa kursong Journalism, para sa kanyang akdang “Visitation Rights,” na tungkol sa unang pagkakataon na makita ng isang bata ang kanyang amang hindi niya kinamulatan. Noong nakaraang taon, inuwi ni Dominguez ang ikatlong gantimpala sa kategoryang Poetry.

READ
Olympic postscripts

Nakamit naman nina Renz Franchesca Estacio at Joanna Parungao, kapwa nasa ika-apat na taon sa kursong Literature, ang ikalawa at ikatlong gantimpala alinsunod sa pagkakasunod para sa kanilang mga akdang “Exile in the Light” at “Latent Loveliness.” Si Parungao ang itinanghal na Fictionist of the Year noong nakaraang taon.

Muli na namang pinangunahan ni Parungao ang mga nagwagi sa kategoryang Essay nang itanghal siya bilang Essayist of the Year para sa “Bridges Made From the Stone of Heaven.” Noong nakaraang taon, nakuha niya ang ikalawang puwesto sa parehong kategorya, kung saan walang nagkamit ng unang puwesto.

“The essay is about the most influential women in my life – my grandmother and my mother – and our history,” ani Parungao. “The fact na ang tagal na ng Ustetika made me proud na may maiiwan akong legacy sa UST.”

Walang nag-uwi ng ikalawang karangalan, ngunit nakuha ni Margaux Dominique Dimanlig (Ika-apat na Taon – Literature) ang ikatlong puwesto para sa akdang “J-World.”

Matapos namang makuha ang Rector’s Literary Award sa kategoryang Sanaysay noong nakaraang taon, wala namang nanalo sa naturang kategorya sa katatapos na patimpalak. Gayunpaman, binigyan ng karangalang banggit si Michelle Ann Giron (Ika-apat na taon – Literature) para sa “Sobre sa Tabi.”

Samantala, wala ring nanalo sa mga kategoryang Tula at Poetry. Gayunpaman, ginawaran ng karangalang banggit sa Poetry sina Roy Rene Cagalingan at Rocelyn San Pedro, parehong nasa ikatlong taon sa kursong Marketing para sa mga akdang “Periods on Silence” at “Cakes and Candle Sticks,” at si John Lourenze Poquiz (Unang taon – MA Economics) para sa “Anxiety of Dawn.”

Consolation prize naman ang ibinigay kina Adrian de Vera, ikatlong taon sa kursong Marketing, at Paul Castillo (Unang taon – MA Creative Writing), para sa kanilang mga koleksyon ng tula na “Manila Zoo” at “Sa Madaling Salita.” Si Castillo ang itinaghal na Makata ng Taon noong nakaraang taon.

Tumanggap ang mga nagwagi ng glass trophy, samantalang sertipiko naman ang ibinigay sa mga nakakuha ng karangalang banggit at consolation prize.

Komentaryo ng mga hurado

Magkaiba ang naging palagay ng mga hurado sa mga Tomasinong lumahok sa Ustetika ngayong taon. Kung pagbabasehan ang resulta ng patimpalak, makikitang higit na marami ang bilang ng mga nagwagi sa kategoryang Ingles kaysa sa Filipino.

Laking tuwa ng mga hurado sa kategoryang Fiction nang naging kapansin-pansin ang pagdami ng mga kalahok na nagsipagsali sa katatapos na Ustetika kumpara noong nakaraang taon. Naging maligaya rin sila sapagkat ang una, ikalawa, at ikatlong gantimpala ay naibigay sa mga karapat-dapat na makatanggap ng mga parangal.

READ
Matute, Tagalog writer, teacher and first Palanca winner; 94

“Mahahalata na tumaas ang kalidad ng mga kuwentong isinali sa Ustetika. Halos hindi kami [mga hurado] nagkaiba ng napili para manalo, at sa tingin ko na talagang karapat-dapat ang kanilang pagwawagi, dahil may kahusayan ang kanilang mga akda,” diin ni Ma. Francezca Therese Kwe, isa sa mga hurado sa kategoryang Fiction.

Kabaliktaran naman ang naging kaso ng mga sumulat sa wikang Pilipino. Para sa mga hurado ng kategoryang Katha, kapansin-pansin ang pagbaba ng kalidad ng pagsusulat ng mga nagsipagsali ngayong taon sapagka’t hindi naigawad ang lahat ng parangal. Tanging ang unang gantimpala at karangalang banggit lamang ang mga naiparangal.

Ganoon din ang naging kaso sa kategoryang Tula, kung saan konsolasyon lamang ang tanging premyong naigawad.

Ayon kay Abdon Balde Jr., isa sa mga hurado sa kategoryang Katha, ang pangunahing kahinaan ng mga nagsipaglahok ay ang kakulangan sa pagbabasa na tunay namang mapapansin sanhi ng kahinaan sa paggamit ng angkop na wika at hindi pagsunod sa tamang genre ng isinusulat. Idinagdag pa niya na ang mga baguhang manunulat ay hindi nagpapa-edit ng kanilang mga gawa at hindi nakikinig sa mga payo ng mga mayroon nang karanasan at karampatang kaalaman sa pagsusulat.

“Walang shortcut sa pagsusulat. Kailangang umayon ka sa tamang anyo upang maunawaan ka ng nagbabasa. Ang pagsusulat ay pakikipagtalik sa mambabasa,” ani Balde.

Diin pa ni Balde, kinakailangang taglay ng isang manunulat o nais maging isang manunulat ang kahusayan sa lengguwahe, anyo ng literatura, at pagtalakay ng paksa.

“Kailangang ang sumasali sa timpalak sa Ustetika ay sumali na sa isang palihan o workshop. Nakalulungkot na ang mga lumahok ay nag-ala tsamba at kulang sa kaalaman sa gramatika at kapos sa bokabularyo na bunga ng maling sistema ng edukasyon sa ngayon,” ani Teodoro “Teo” Antonio, isa sa mga hurado sa kategoryang Tula.

Para sa mga nais maging manunulat, sa wikang Ingles man o Filipino, iisa lamang ang payong maibibigay ng mga hurado: “Magbasa, magbasa, magbasa at tingnan, unawain ang binabasa, at magpasa.”

Kabilang sa mga kumilatis sa mga inilahok ngayong taon sina: Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio Almario, Teo Antonio, at Rebecca Añonuevo (Tula); Cirilo Bautista, Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Jr., Lourd Ernest de Veyra, at Nerisa del Carmen Guevarra (Poetry); Jun Cruz Reyes at Abdon Balde, Jr. (Katha); Vicente Groyon, Ferdinand Lopez, at Ma. Francezca Therese Kwe (Fiction); Michael Coroza, Gary Devilles, at Oscar Campomanes (Sanaysay); Florentino Hornedo, Jose Dalisay, Jr., at Ralph Semino Galan (Essay); at, Dennis Marasigan at Jose Victor Torres (Dulang May Isang Yugto).

READ
Thomasians dominate Architecture board exams

Pagpupugay kay Dimalanta

Iginawad naman sa premyadong makatang si Ophelia Alcantara-Dimalanta, writer-in-residence ng UST, ang Parangal Hagbong sa katatapos lamang na ika-24 Gawad Ustetika noong ika-6 ng Disyembre 2008.

Ibinibigay ang Hagbong sa mga Tomasinong manunulat para sa kanilang hindi matawarang kontribusyon sa panitikang Pilipino. Ilan sa mga nakatanggap na ng naturang parangal ang mga Pambansang Alagad ng Sining na sina J. Elizalde Navarro, Bienvenido Lumbera, F. Sionil Jose at Nick Joaquin.

Maituturing na nangungunang makatang babae ng bansa si Dimalanta. Isa sa mga hindi malilimutang akda niya ang “Montage” na pinarangalan bilang Best Poetry ng Iowa State University noong 1968. Ito rin ang naging pamagat ng kanyang unang koleksyon ng tula na nagwagi ng unang gantimpala sa 1974 Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Tumangap rin siya ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas mula sa Writers’ Union of the Philippines (1990), at South East Asia Write Award mula kay Haring Bhumibol ng Thailand (1999).

“I’ve written my best poems already (and) I don’t think I can out-write myself anymore…unless I can write something better than what I had already written,” ani Dimalanta sa isa sa mga panayam ng Varsitarian para sa audio-visual presentation (AVP) na ipinalabas noong gabi ng parangal.

Ani Vim Nadera, ang “ama ng Ustetika,” sa AVP, kung mayroon man sa bansa na “isa sa pinakamahusay na manunuri…sa panulaang Ingles at sinasabi ang kanyang ginagawa at ginagawa ang kanyang sinasabi,” walang dudang si Dimalanta ito.

Nagtapos si Dimalanta ng kursong Pilosopiya, at nakamit ang kanyang masters at doctorate degree sa Literatura sa UST. Naging literary editor din siya ng Varsitarian sa kanyang ikalawang taon sa kolehiyo.

“My mother is always fond of looking back at her days in the Varsitarian,” ani Al Dimalanta, anak ni Dimalanta na isa ring propesor sa UST, nang tanggapin niya ang Hagbong para sa kanyang ina na hindi nakadalo sa gabi ng parangal.

Nagsilbi na rin si Dimalanta bilang panelista sa mga pambansang palihan panliteratura, at naging hurado na rin sa ilang mga parangal pampanitikan tulad ng Palanca.

Sa kasalukuyan patuloy na nagtuturo si Dimalanta ng literatura at malikhaing pagsulat sa UST Graduate School. Nagsilbi rin siya bilang dekano ng Faculty of Arts and Letters noong dekada ’90. Siya rin ay naging direktor ng kabubuwag lamang na UST Center for Creative Writing Studies.

Taong 1997 nang simulan ng Varsitarian ang pagkilala sa mga bayani ng sining at Panitikan ng bansa sa pamamagitan ng Parangal Hagbong. Likha ni Romeo Forbes ang tropeong iginawad kay Dimalanta na inukit mula sa molave na nasa tuntungang kamagong.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.