May alam sa paalam:
Batid natin ang pagdating ng paglisan
ng papalayong sandali
At papalapit na hikbi.
 
May mula sa simula:
Alam natin saan nauugat
Ang kasaysayang mahaba—
Ang pinagsamahan, karanasan
na pagmumulan ng bagong kabanata.
 
May saya sa sayang:
Naghahabol tayo sa sandaling
Hindi tayo kabilang.
Nanghihinayang
sa alaalang malilikha nila
na walang ako.
 
May ngapa sa tapang:
Dama natin ang bugso
ng pagharap sa papasapit na umaga.
Ngunit hindi natin batid
Ang daang tatahaking kasunod.
 
May uli sa pangungulila:
Dahil paulit-ulit babalikan
Ang bawat sandaling binigkas ang mga katagang:
Simula, tapang, paalam at sayang.

Jasper Emmanuel Y. Arcalas

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.