DALUYONG bagyo. Halumigmig. Hanging hagunot. Weder forkast.
Ilan lamang ito sa mga salitang inaasahang maririnig at mapapanood tuwing may “weather forecast” sa telebisyon at radyo, alinsunod sa inilunsad na bagong aklat ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) na Patnubay sa Weder Forkasting noong Hunyo 13.
Ang daluyong bagyo o storm surge ang hindi pangkaraniwang pagtaas ng tubig sa dalampasigan habang papalapit ang bagyo sa baybayin. Samantala, ang humidity at gale sa wikang Ingles ang halumigmig at hanging hagunot. Weder Forkast naman ang direktang baybay ng weather forecast sa Filipino.
Maliban sa mahigit 300 na tala ng mga salita, nakalakip din sa 73-pahinang aklat ang ilang mahahalagang impormasiyon sa panahon tulad ng kung bakit umaapaw ang tubig sa ilog at saysay ng mga dike, kung bakit kailangan mag-ingat tuwing kumidkilat; impormasiyon ukol sa sukat at taas ng baha; mga pampanitikang babasahin tulad ng mga bugtong at mga mitong may kaugnayan sa klima, maging makukulay na infographic upang gawin itong magaang babasahin.
Ilan sa mga salitang matatagpuan sa patubay ang buhos na ulan (torrential rain), hanging banayad (light wind), hanging haginit (fresh wind), hanging hagunot (gale), hanging malakas (strong wind); matinding ulan (intense rain), sukdulang hanging tuloy-tuloy (maximum sustained winds); pana-panahong hangin (monsoon), panaka-nakang ulan (occasional rain), pulo-pulong pag-ulan (isolated rain showers) at kalat-kalat na pag-ulan (scattered rain showers).
Mayroon namang mga salitang binabago lamang ang ispeling tulad ng altitud (altitude), weder (weather) at forkast (forecast), sapagkat ito na ang nakagawiang salita ng mga Filipino at hindi ito makalilikha ng anumang pagkalito kung gagamitin.
Nilalayon ng patnubay na madaling maipaunawa sa mga Filipino ang mga abisong pampanahon, partikular ang mga teknikal na terminolohiyang meteorohikal upang maibsan ang pagkalito ng publiko tuwing panahon ng kalamidad.
Bunsod din ito ng hagupit ng Bagyong Yolanda na kumitil sa maraming buhay noong 2013, ayon kay Benjamin Mendillo Jr., pinuno ng Sangay ng Salin ng KWF.
“Napaka-unfortunate [na] kailangan munang magkaroon ng matinding sakuna, [tulad ng Bagyong] Yolanda [upang] magising ang bayan. Sinabi ni [Pangulong Aquino] na kailangan ang ating mga weder forkast ay dapat naiintindihan,” paliwanag ni Mendillo.
Matatandaan na bago tumama sa kalupaan ang Bagyong Yolanda, naglabas na ng serye ng mga abiso ang DOST-PAGASA na nagsasaad ng kinakailangang paghahanda at paglikas sanhi ng paparating na malalaki at malalakas na daluyong bagyo.
Gayunpaman, hindi naintindihan ng mga apektadong residente ang terminong storm surge na ginamit sa mga nasabing abiso. Ito ang sinasabing ugat ng pagkasawi ng libu-libong Filipino at pagkasira ng milyun-milyong ari-arian sa Visayas.
Inamin naman ng DOST-PAGASA ang pagkukulang sa komunikasiyon, lalo na sa pagpapa-unawa sa mga apektadong residente kung ano ang ibig sabihin ng storm surge na lubhang hindi pangkaraniwan sa mga mamamayan.
“Nag-storm surge warning na pero marami pa ring nasa laot, nagsu-swimming; marami pa ring nagingisda. ‘Di nila alintana ang storm surge,” ani Mendillo. “Bakit? Dahil hindi nila alam kung ano ang storm surge. By the term and by its definition, hindi nila naiintindihan dahil nga ito ay nasa banyagang wika.”
“Kapag ginamit na ito (mga abisong isinalin sa Filipino) nang paunti-unti ng mga tao, maiintindihan nila na may mga implikasiyon ang hindi pagsunod dito,” dagdag niya. “Kapag Filipino, mas nanunuot, mas naiintindihan nila. Ito, daluyong-bagyo, hindi lamang storm surge. Mas nakagigimbal kaya mas angkop talaga.”
Proseso ng pagsasalin
Nagsimula ang aklat bilang isang talaan ng mga salita na kalaunan ay naging patnubay na naglalaman ng mga mahahalagang impormasiyon hinggil sa KLIMA na “makatutulong sa mga mambabasa upang makaiwas sa masasamang panahon,” ayon kay Brenda Jean Postrero, patnugot ng patnubay.
Inabot ng mahigit isang taon ang pagbuo sa nasabing libro sapagkat dumaan ito sa mabusising proseso. Isinaliksik ng Sangay sa Pagsasalin ng komisyon na may siyam na tagasalin ang lahat ng materyales at kagamitan ng DOST-PAGASA tulad ng mga poster at aklat na kailangang isalin sa wikang Filipino.
Itinala ng sangay ang mga salitang meteorohikal at isinalin, hindi lamang sa wikang Filipino kundi maging sa iba’t ibang wika mula sa mga rehiyon ng bansa tulong ng samu’t saring diksyonaryo.
Ayon kay Mendillo, naging prayoridad din nila ang pagsasalin sa mga termonolohiya sa wika ng mga rehiyong pinakamadalas tamaan ng bagyo at kalamidad.
Pagkatapos maisalin ang lahat ng mga terminolohiyang meteorohikal, inilapit ng sangay ang tala sa mga weather forecast ng DOST-PAGASA—panglokal o pangehiyonal—upang matukoy kung ginagamit nila ang mga sinaling salita sa kanilang trabaho at mga abiso.
Sa katunayan, nagkaroon ng mahigit apat na konsultasiyon sa pagitan ng DOST-PAGASA at KWF upang masusing siyasatin ng mga eksperto ang mga pakahulugan at pagsasalin sa mga terminolohiyang meteorohikal, partikular na ang mga salitang masyadong teknikal.
“Lahat ng hepe ng bawat depertamento [ng DOST] ay pinaupo namin upang tingnan ang mga salin sa Filipino. Kapuwa sila rin ay nagtatalo kung ano ang tiyak na kahulugan [na dapat gamitin],” paliwanag ni Mendillo. “Sila na mismo ang nagmungkahi kung ano ang magiging tiyak na kahulugan nito sapagkat ayaw nilang magpalabas ng isang aklat na isinalin lang at hindi magiging batayang aklat.”
Sa kasalukuyan, layon ng KWF na maipalaganap ang paggamit ng patnubay, ngunit nasa kamay pa rin ng DOST-PAGASA ang pagpapatupad nito. Jasper Emmanuel Y. Arcalas at Bernadette A. Pamintuan