HINDI na gagamitin ng Central Commission on Elections ng UST (Central Comelec) ang e-Learning Access Program (eLeap), ang online learning system ng Unibersidad, bilang sistema ng pagboto para sa susunod na halalan ng Pamahalaang Pangmag-aaral.

Ayon kay Arvin Carlo Bersonda, tagapangulo ng Central Comelec, iminungkahi ng kanilang dating tagapayo na si Antonio Chua na gawing manuwal ang pagboto o di kaya ay gumamit ng makinaryang makatutulong sa mabilisang pagbibilang ng boto para makaiwas sa maaring maranasang suliraning teknikal.

“The problem is `yung nangyari nga last time na hindi pag-download ng mga boto sa tamang oras. `Di naman namin na-foresee na mangyayari `yun so this time naisipan namin if magmanuwal kami o `yung sinabi ni Attorney Chua na machine ba, which is pricey,” ani Bersonda sa panayam sa Varsitarian.

Matatandaang naantala ang proklamasiyon ng mga nanalong kandidato sa Central Student Council (CSC) noong huling eleksiyon dahil sa hindi pag-download ng lahat ng boto sa eLeap sa nakatakdang oras.

Dagdag ni Bersonda, hindi na dapat automated ang nakaraang eleksiyon dahil sa pagpalit ng server mula self-based management tungo sa cloud-based management, isang paraan ng digital data storage na may tulong ng computer networking para maging mas bukas sa mga gagamit ng mga kailangang datos.

“Talagang ang plano ay hindi naman dapat tayo nag-automated last year. Pero parang tinulungan lang kami ng Educational Technology Center (EdTech) talaga para matapos `yung eleksiyon. [W] e were not prepared to go for manual last time pero ngayon marami namang pwedeng gawin,” aniya.

Ani Bersonda, makatutulong ang paggamit ng scanner sa mga balota upang mapabilis ang manuwal na pagboto sa eleksiyon.

Hindi magiging problema ang mga tauhan sa manuwal na botohan sapagkat tumatanggap na ang Central Comelec ng mga kinatawan para sa susunod na eleksiyon, dagdag niya.

Para naman sa minungkahing paggamit ng makinarya, kasalukuyan pa ring naghahanap ng abot-kayang makinarya ang Central Comelec. Nabawasan ang pondo ng Central Comelec resulta ng matinding pagbaba ng bagong mag-aaral sa Unibersidad.

Taong 2009 nang unang gumamit ng automated na sistema sa pagboto ang Unibersidad.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang direktor ng EdTech na si Anna Cheryl Ramos at Chua tungkol sa nasabing isyu.

Pagbabago sa electoral code

Samantala, sinimulan na ng Comelec ang rebisyon ng electoral code para sa mga susunod na eleksiyon.

Sa isang pagpupulong ng mga partidong politikal noong ika-3 ng Agosto, sinabi ni Raymond John Naguit, direktor ng Aktiboto, bibigyang pansin sa code ang paggamit ng mga kandidato ng social media para sa pangangampanya.

“The draft that we had from last year will have new provisions on functions of political parties, new rules on social media campaign, and a restructured Commission on Elections,” ani Naguit.

Ayon naman kay Bersonda, nakagawa na sila ng unang draft na mas tugma sa bagong akademikong kalendaryo ng Unibersidad.

“Yes, may draft na kami. [G]inagawa na namin siyang flexible since `yung dating [code] of 2011 may specific days doon diba, hindi na siya actually applicable sa [academic] calendar natin ngayon,” aniya.

Sinimulan ng Central Comelec ang pagbabago sa code noong 2014 sa pamumuno ng dating tagapangulong si Julia Unarce. Christian de Lano M. Deiparine at Roy Abrahmn D.R. Narra

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.