Mula sa maliliit na sugat at paso hanggang sa malulubhang karamdaman, maaaring magpagaling ng maraming sakit ang mga tradisiyonal na halamang gamot.

Buhat pa noong panahon ng ating mga ninuno, ginagamit na ang mga halaman sa panggagamot. Naipasa rin sa mga sumunod na henerasiyon ang kaalaman hinggil rito.

“Mayaman ang Pilipinas sa mga halamang gamot at makatutulong ito sa ekonomiya,” ani Propesor Rebecca G. David ng Faculty of Pharmacy.

“Ikinagagalit ko na pinagkakakitaan [lamang] ng ilang dayuhan ang mga halamang gamot na tanging atin.”

Humigit-kumulang walo sa sampung tao sa buong mundo ang gumagamit ng halamang gamot dahil mas mura ang mga ito, at higit na madaling mahanap kumpara sa pharmaceutical drugs, ayon sa datos ng World Health Organization noong 2014.

“Isa sa [mga] benepisyo ng paggamit ng halamang gamot ang mas mura nitong halaga kung ikukumpara sa mga nabibiling gamot,” ani Dr. Cartrini Cruz ng Faculty of Medicine.

Tamang preparasiyon

Gayunpaman, nilinaw niya na may mga pagkakataong hindi nagiging epektibo ang mga halamang gamot sa pagpapagaling ng sakit.

Ayon pa kay Cruz, kailangang siguraduhin na tama ang paghahanda ng mga halamang gamot. Maaari kasing makasama sa kalusugan ang maling preparasiyon.

Dumaraan sa mga klinikal na pagsusuri ang mga halamang gamot upang mapatunayan na nakalulunas ito ng mga sakit.

Sa kabila ng mga puna mula sa ilang dalubhasa sa larangan ng medisina, mahalagang isaalang-alang na nagmula rin naman sa mga halaman ang karamihan sa mga pharmaceutical drugs.

Alternative health care

Inilunsad ni dating Presidente Fidel V. Ramos ang Republic Act 8423 o ang Traditional and Alternative Medicine Act noong 1997.

Ito ang nagbunsod ng pagtatatag ng Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care kung saan pinayayabong ang paggamit ng tradisiyonal at alternatibong pamamaraang medikal sa pamamagitan ng pananaliksik at masinsinang product development.

Simula noon, nakapagbigay ng listahan ng mga halamang gamot sa Pilipinas ang Philippine Department of Health sa pamamagitan ng kanilang Traditional Health Program.

Ang akapulko o mas kilala sa tawag na “bayabas-bayabasan” o ringworm bush sa Ingles ang halamang gamot na maaaring magpagaling ng ringworms at iba pang sakit sa balat.

Bunga ng isang fungus ang ringworm kung saan maaaring maapektuhan ang balat sa singit, anit, paa at kuko.

Nagdudulot ito ng pagkati at pamumula ng balat. Ginagamit naman ang buto ng lanzones upang gamutin ang mga impeksiyong dulot ng mga parasitikong bulate na sanhi ng sakit ng tiyan

Kilala bilang gamot sa diabetes ang ampalaya at sabila (aloe vera).

Gamot sa rayuma

Halimbawa rin ang bawang bilang gamot sa pagbababa ng kolesterol sa dugo.

Ginagamit naman ang lagundi sa paglunas ng ubo at hika, habang ang dahon ng pandan naman ay pantanggal ng pangingirot na dulot ng rayuma.

Maraming halamang gamot sa Pilipinas ang natuklasan na ng mga eksperto. Naglathala ng isang komprehensibong aklat si Dr. Jaime Galvez Tan, isang eksperto ng tradisiyonal at natural na gamot at si Dr. Isidro Sia, isang eksperto ng pharmacology na pinamagatang “The Best 100 Philippine Medicinal Plants.” Nakatala rito ang kahalagahan ng mga halamang gamot sa paggaling ng mga tao.

Sa nakaraang 40 taon, tinatayang bumuti ang kalusugan ng mga tao sa Filipinas. Bumaba ang infant mortality nang higit na kalahati at bumaba ang paglaganap ng mga nakahahawang sakit. Tumaas din ang life expectancy.

Kulang sa gamot

Sa kabila nito, libo-libong Filipino ang namamatay dahil sa impeksiyon at non-communicable diseases. Ang kakulangan ng mga doktor at health care providers ang rason ng 47.6 porsiyento ng pagkamatay sa bansa, ayon sa mga miyembro ng Philippine College of Physicians.

“Dalawang problema ang puno’t dulo ng pagbagsak ng sistemang pangkalusugan sa Filipinas: ang kakulangan ng mga doktor sa buong bansa at ang maraming bilang ng mga doktor sa mga siyudad kumpara sa mga probinsya,” ani dating Senador Edgardo Angara noong 2009.

Ayon sa isang pag-aaral ni Dr. Ravichandran Nataraj, ang limitadong suplay ng gamot at ang mahinang pamamalakad ng gobyerno ang dahilan ng tumataas na bilang ng pagkakasakit ng mahihirap.

Aniya, ang mga sakit ay pinapalala pa ng kahirapan, at maaari lamang labanan ng mas mabuting pangangalaga sa kalusugan at pagdaragdag ng health insurance.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.