ALAM MONG may atraksiyon na agad sa sandaling magtama ang mga mata ninyo.
Maingat kang naglalakad noon sa Quiapo nang makita mo siya sa gitna ng aligagang kalikasan ng lugar. Pauwi ka na noong mga panahong iyon kaya hindi ka na nagmamadali, kaya naman naisipan mong aliwin ang sarili mo sa pamamagitan ng pagmamatyag sa lahat ng taong nasa paligid.
Abalang-abala ka sa pagmamasid sa mga tao nang magkasalubong kayo at nahuli niya ang atensiyon mo. Tiningnan mo siya ulit, at ngayon ay nahuli na ninyo ang tingin ng isa’t isa. Bagama’t hindi na magkanda-ugaga ang madla sa pagmamadali nila, lumutang ang maaliwalas at maamo niyang mukha.
Tinitigan mo nang mabuti ang pogi niyang mukha – ang kanyang malagong buhok, mga bilugan niyang mata, ang kanyang matangos na ilong at ang kanyang manipis na labi. Binigyan ka niya ng isang makahulugang ngiti, at lumutang ang kanyang mga dimples. At kinilig ka naman.
Sinuklian mo rin siya ng sa tingin mo’y pinakamaganda mong ngiti, at kinendeng mo ang paglalakad para mas lalo ka niyang mapansin. Matagal-tagal ding naka-plaster ang ngiti ninyo sa inyong mga mukha, at nang ‘saktong magtama na ang inyong mga landas, isang matamis na “hi” lang ang naibigay ninyo sa isa’t isa. Mas lalo ka namang kinilig.
Paglapas niya ay napabuntong-hininga ka; bibihira naman kasing mangyari ang mangitian ka ng ganoong ka-guwapong lalake, kaya kahit na nalagpasan ninyo na ang isa’t isa ay hindi pa rin maalis ang ngiti sa mukha mo.
Itutuloy mo na sana ang pagpapantasya mo nang may isang boses na gumising sa’yo.
“Miss, miss, yung gamit n’yo po, nahulog.” Maria Karla Lenina Comanda