NANGUNA ang Unibersidad sa kakatapos lamang na physical therapy (PT) at guidance counselor licensure examinations ngayong Agosto, samantalang dalawang Tomasino ang pasok sa limang nangunang kumuha ng pagsusulit para sa occupational therapy (OT).

Nagtala ang Unibersidad ng 100-porsiyentong passing rate sa katatapos lamang na guidance counselor licensure exam. Pumasa ang tatlong Tomasinong kumuha ng pagsusulit, ayon sa Professional Regulation Commission (PRC).

Malaki ang itinaas ng bahagdan para sa taong ito kumpara sa 66.67 porsiyento noong nakaraang taon, kung kailan apat sa anim na Tomasinong kumuha ng pagsusulit ang pumasa.

Ang national passing rate ay pumatak sa 61.28 porsiyento kung saan 239 ang pumasa mula sa 390 na kumuha ng pagsusulit. Bahagyang tumaas ang bahagdan kumpara sa 60.14 porsiyento noong nakaraang taon.

Samantala, nagtamo ng 96.34-porsiyentong passing rate ang UST sa PT board exams kung saan 79 ang pumasa mula sa 82 na Tomasinong kumuha ng pagsusulit, ayon sa PRC. Mas mataas ito kumpara sa bahagdan na 88.76 porsiyento na naitala ng Unibersidad noong nakaraang taon.

Bahagyang tumaas ang national passing rate ng PT kung saan 68.06 porsiyento o 846 ang pumasa mula sa 1,243 na kumuha ng pagsusulit, kumpara sa 63.36 porsiyento noong nakaraang taon.

Natamo naman ng UST ang 70-porsiyentong passing rate sa occupational therapy (OT). licensure examination kung saan 42 ang nakapasa mula sa 60 Tomasinong kumuha ng pagsusulit. Mas mababa ito kumpara sa 80.33 porsiyento noong nakaraang taon, kung saan 49 ang pumasa mula sa 61 na kumuha ng pagsusulit.

Sa kabila nito, dalawang Tomasino ang pasok sa nangunang limang kumuha ng pagsusulit para sa OT.

Pinangunahan ni Isabella Mangalonzo de Jesus ang mga bagong Tomasinong occupational therapist pagkatapos siyang ideklara na pang-apat sa may pinakamataas na marka (80.40 porsiyento) sa bansa, kasama sina Ma. Reva Lelis Tuozo at Au Bain Marie Miranda Ymbong ng Velez College.

Ikalima naman si Roel Paolo Calingasan Veras na nakakuha ng 80 porsiyentong marka.

Ayon kay Cheryl Peralta, dekano ng College of Rehabilitation Sciences (CRS), naging susi sa magandang resulta ng licensure examinations ang dedikasyon ng kanilang fakultad sa pagtuturo sa kanilang mga mag-aaral.

“Our faculty members, led by their respective department chairs, internship supervisors, and board review committees have worked very hard to prepare the students for the board exams. The need to transition to outcomes-based education, while still maintaining that our teaching strategies are sensitive to the board exams, is indeed a very big challenge, not only to the faculty but to the students,” ani Peralta.

Dagdag pa niya, hindi naging hadlang ang maraming pagbabago sa akademikong sistema tulad ng academic calendar shift, para gawing mas handa ang kanilang mag-aaral na kumuha ng pagsusulit.

“We had to start the board review program a little later this year due to the movement of the academic calendar, thus cutting the board review duration by about a month. To compensate for this, we have improved the structure of the integration courses in their final year so these continue to develop in their clinical reasoning and critical thinking while helping them prepare for the board exams earlier,” aniya.

Nanguna ang Cebu Doctors Hospital sa OT board exam sa 90.48-porsiyentong passing rate, kasunod ang University of the Philippines-Manila na nagtamo ng 80 porsiyento.

Bumaba naman ang national passing rate ng OT sa 49.79 porsiyento o 114 na pumasa mula sa 229 na kumuha ng pagsusulit, mula sa 62.94 porsiyento noong nakaraang taon. Hannah Rhocellhynnia Cruz at Roy Abrahmn D.R. Narra

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.