Sept. 24 2016, 5:42 p.m. – TAMPOK ang mga akda ng ilang Tomasinong manunulat sa Ani 39, ang pampanitikang journal ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP), na inilunsad noong Biyernes bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-47 na anibersaryo ng sentro.
Binubuo ng 182 na akda ang pampanitikang koleksiyon na may temang “Animal Kingdom/Kahayupan.” Kabilang dito ang ilang mga kilalang manunulat na Tomasino gaya nina Rebecca Añonuevo, Ernesto Carandang II at Vim Nadera.
Ayon kay Herminio Beltran Jr., patnugot ng Ani 39, layunin ng mga akda na hamunin ang mga manunulat na suriin ang realidad sa punto de vista ng mga hayop, sa kabila ng limitasiyon ng wika ng tao.
Isinulat sa iba’t ibang wika ang mga akda sa koleksiyon gaya ng Filipino, Ilokano, Bikol, Bikol-Naga, Chavacano, Kinaray-a at Ingles. Layunin nitong palaganapin ang pag-usbong ng Panitikang Filipino sa iba’t ibang panig ng bansa.
Pamumunuan ni Nadera, dating punong patnugot ng Varsitarian, ang Ani 40, na magsisimulang tumanggap ng mga akda sa susunod na taon.
Nilahukan ng 88 manunulat ang Ani 39 na inilunsad noong ika-23 ng Setyembre sa Silangan Hall, CCP Complex sa Pasay. Winona S. Sadia