Oct. 7 2016, 10:40 a.m. – NANGIBABAW sa sampung tinaguriang pinakatanyag na mga salita ng taon ang “fotobam,” ang direktang salin sa Filipino ng terminong “photobomb,” na tumutukoy sa paninira ng tao o bagay sa isang larawan sa pamamagitan ng pagsingit dito.

Inilahok ito ni Michael Charleston Chua, dating bise-presidente ng Kapisanang Pangkasaysayan ng Pilipinas, at itinanghal kahapon sa Pambansang Kumperensya sa Wika na idinaos sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman.

“Malapit ito (salitang fotobam) sa puso ko dahil ito ‘yung ipinaglalaban namin sa Knights of Rizal, ‘yong Torre de Manila na nasa likuran ni Jose Rizal na bigla na lamang sumulpot doon,” ani Chua sa isang panayam sa Varsitarian.

Ginamit niyang katuwiran ang naturang gusali na binansagang “pambansang photobomber” dahil sa pagsira nito sa “line of sight” ng monumento ni Rizal sa Luneta.

“Iyon ‘yung isang magandang nakita natin dito [sa kumperensya], na pinahahalagahan pa rin nila (mga akademiko) ‘yung isyu ng pamana, ng kasaysayan [at] ng mga bayani natin,” ani Chua.

Dagdag pa niya, “fotobam” at hindi “photobomb” ang pinili niyang baybay sa salita sapagkat paraan ito ng pag-angkin ng dayuhang salita sa Filipino—isang patunay na buhay ito at dinamiko.

Kabilang sa mga salitang inilahok sa patimpalak ang “hugot,” “bully,” “milenyal,” “meme,” “lumad,” “foundling,” “netizen,” “tukod” at “viral.”

Iginagawad ng Filipinas Institute of Translation Inc. (FIT) ang titulong “Salita ng Taon” sa mga lahok na may kaugnayan sa mahahalagang pangyayari sa kasaysayan, kontrobersiya o malawakang isyu, at katangiang nag-uudyok sa pagtutuwid sa kaugnay nitong suliranin sa lipunan.

Pinamunuan ng FIT at Komisyon sa Wikang Filipino, sa pakikipagtulungan ng National Commission for Culture and the Arts at Kolehiyo ng Edukasyon ng Unibersidad ng Pilipinas, ang kumperensya na idinaos noong ika-5 hanggang ika-7 ng Oktubre.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.