Iginiit ng isang Tomasinong propesor ang kahalagahan ng pagsasalin kasabay ng globalisasyon na dulot ng teknolohiyang pangkomunikasyon.
“Mahirap isiping magaganap ang globalisasyon kung walang pagsasalin na mamamagitan sa mga mamamayan ng lahat ng bansa sa daigdig,” wika ni Michael Coroza, direktor ng 2017 Salinan Pandaidigang Kumperensiya sa Ateneo de Manila.
Ipinaliwanag niya na mayroong tatlong proseso ang pagsasalin: danas, diwa at dila.
“Ang lahat ng danas ay naisasalin sa diwa. Ang mga naisasadiwa ay ipinahahayag sa pamamagitan ng dila. Samaktwid, ang bawat karanasan ay naisasadiwa at naisasadila. At ang anumang naisasadila, paglaon, ay naisusulat,” wika ni Coroza.
Dagdag pa niya na ang mga nasasalita o naisusulat ay naisasalin din at nakakaapekto sa iba, hanggang sa magkaroon ng lubhang masalimuot na pabago-bago at mapagbagong ugnayan ng mga danas, diwa at dila sa loob ng isang pook at sa pagitan ng maraming pang iba’t ibang pook.
Tinukoy naman ni P. Jose Ramon Villarin, S.J., pangulo ng Ateneo de Manila, ang pagtatangka ng mga kumpanyang Google at Facebook tungo sa mekanikal na pagsasalin.
“It is only a matter of time before deep-machine learning gets it right, whatever right means. In a multi-lingual context such as that of the Philippines, we have an inchoate sense of what could be right or fitting or even un-translatable,” ani Villarin.
Nangangamba naman siya na maraming bagay ang nawawala sa pagsasalin o tinatawag na “lost in translation”.
Para naman kay Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), hindi lamang kailangan ang pagsasalin upang makipagtalastasan sa mundong multi-lingual.
“Kailangang-kailangan din natin ang pagsasalin upang mailahok sa usapan at gampaning pambansa ang umaabot sa 130 wikang katutubo at mga pangkating may-ari ng naturang mga wikang katutubo sa buong kapuluan,” ani Almario.
Naitaon din ang pagkakaroon ng Salinan 2017 sa ika-20 anibersaryo ng pagtataguyod ng Filipinas Institute of Translation, isang organisasyong nagtatanghal sa larangan ng pagsasalin bilang bahagi ng kultura at akademiya.