NAGHAIN ng mga hinaing ang Tomasinong propesor na si Rene Luis Tadle, punong tagapagpulong ng Council of Teachers and Staff of Colleges and Universities of the Philippines (Cotescup), sa Senado nitong Miyerkoles.

May kaugnayan ang mga hinaing sa online learning, tulong pinansiyal sa mga guro at pagbabago ng mga patakaran sa mga paaralan, kasama na ang tanggalan sa trabaho at pagbabawas sa sahod.

Ayon kay Tadle, ang online learning ay nakakaapekto sa kalusugan ng kaisipan ng mga guro, kaya dapat may mga patakaran na gagabay dito.

“They would even receive calls from parents, administrators at 10 o’clock in the evening. There should be policies on that,” dagdag pa ni Tadle.

Iginiit ni Tadle na dapat iwasan ng ilang mga administrador ang pagdagdag ng estudyante sa bawat klase.

“We want to prevent a situation where the administrator will say, ‘online naman, you can afford 60 student in your class.’ I think that should be avoided. In fact, we should lower it as much as we can,” wika niya.

Ayon sa isang pag-aaral na binanggit ni Tadle, 12 ang angkop na bilang ng estudyante sa isang online class.

“The ideal class size for the traditional course was found to be 18 students while the ideal class size for online courses was 12 students,” ayon kina Lawrence Tomei at Douglas Nelson sa kanilang pag-aaral, “The impact of online teaching on faculty load – revisited.”

Ani Tadle, dapat may buwan-buwan na sustento ang mga guro na pambayad sa internet at pautang na pambili ng laptop o smartphone.

“There are schools doing this without interest but there are others that will charge interest. Sana wala na, alam naman nila ang paggagamitan nito ay `yung estudyante ng eskwelahan,” ani ni Tadle.

Tanggalan sa trabaho

Binanggit din ni Tadle na dapat kasali ang mga guro sa pagbuo ng patakaran sa performance appraisal.

Dapat gamitin ang grievance machinery na itinakda ng Commission on Higher Education (CHEd) sa pagdinig sa hinaing ng mga guro at mga kawani, sa halip na ipaubaya ito sa Bureau of Labor Relations (BLR) ng Department of Labor and Employment.

“Teachers cannot afford a lawyer, the parity is not the same between teachers, non-academic personnel and the owners of schools,” dagdag pa niya.

Ayon sa Manual of Regulations for Private Higher Education of 2008, ang bawat kolehiyo o unibersidad ay dapat magkaroon ng grievance machinery o proseso upang tugunan ang hindi pagkakaintindihan ng mga empleyado at ng administrasyon.

Ayon pa sa Cotescup, dapat maging transparent ang mga eskwelahan sa kanilang pinansyal na kakayahan bago magtanggal ng empleyado o bawasan ang sahod.

“Any statement of losses as a justification to cut down on labor costs must be subject to a diligent and holistic examination of facts and numbers before they are given credence by government agencies concerned,” saad ng position paper ng grupo.

‘Importante ang mga guro’

Sinabi naman ng tagapangulo ng kumite na si Sen. Joel Villanueva na nakasalalay ang tagumpay ng online classes sa mga guro, kaya dapat silang bigyan ng pansin.

“Kahit problematic ang internet connectivity basta magaling ang mga teachers – may maayos na training, may adequate support, mairaraos po natin ito,” dagdag ng senador.

Sa huli, hinikayat ni Tadle ang mga kolehiyo at unibersidad na gawin ang lahat ng paraan bago humantong sa pagtanggal o pagbawas ng sweldo ng mga guro at manggagawa.

“We cannot understand that  a more than a century old institution that even survived World War II cannot afford to pay their non-academic personnel just because of this pandemic,” ani Tadle.

“Dapat walang iwanan, walang laglagan. We are in the same boat, kailangan magtulungan,” dagdag pa niya.

Tinalakay ng Committee on Higher, Technical and Vocational Education at Committee on Science and Technology ang Senate Bill (SB) 1459 o “Tertiary Online Learning and Distance Education Act” at SB 1538 o “Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act.”

Tinalakay din ang Senate Resolution 376 tungkol sa “Online Modes of Learning,” Senate Resolution 383 tungkol sa “Open Learning and Distance Education Act” at Senate Resolution 415 na tungkol sa “Online Educational Delivery Platform.” 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.