Gamit at abuso ng ‘citizen journalism’

0
2998

lionheartKAAKIBAT ng pagyabong ng iba’t ibang social media outlets ay ang pag-usbong ng samo’t saring plataporma ng pamamahayag. Maraming ordinaryong mamamayan ang nagkaroon ng kani-kaniyang blogs, podcasts, websites, channels sa Youtube o mga pahina sa Facebook na nagsisilbing daan para sa pagpapakalat ng mga balita. Ang dating pawang mga konsyumer lamang ng balita ay siyang mga lumilikha na rin nito ngayon.

Sa pamamagitan ng Internet, naging posible ang Web Journalism o Citizen Journalism – ang aktibong paglahok ng mga pribadong indibiduwal sa pagkalap at pagpapalaganap ng mga impormasyon. Tila nagkaroon ng panibagong anyo ang peryodismo sa pagsilang ng makabagong henerasyon ng mga manunulat at mamamahayag. Patunay rito ang ilang mga programang nagbibigay pagkakataon sa mga ordinaryong mamamayan na maging isang parang lehitimong mamamahayag gaya ng “Bayan Mo I-patrol Mo” ng ABS-CBN News and Current Affairs at ang “YouScoop” ng GMA News and Public Affairs. Nang dahil sa mga ito, naging epektibo ang citizen journalism sa pag-uulat ng mas komprehensibong balita.

Isa sa mga sikat na citizen journalists ay si Margaux “Mocha” Uson, ang lider ng sing-and-dance group na Mocha Girls. Matatandaang ang lahat ay namangha nang mabigyan si Uson ng eksklusibong panayam kasama si Presidente Duterte noong ika-27 ng Hunyo. Umani si Uson ng halos apat na milyong tagasunod sa kaniyang pahina sa Facebook na “Mocha Uson blog.” Naniniwala ang kaniyang mga tagasuporta na si Uson ang tunay at hinaharap ng midya.

Sinuportahan ni Uson ang tawag ni Duterte sa media boycott sa loob ng anim na taong panunungkulan bilang pangulo. Ayon sa mga inilalathala ni Uson, hindi mapagkakatiwalaan ang media dahil mayroon itong kinikilingan. Iginiit ni Uson na ang Facebook lamang ang tunay na mapagkukunan ng mapagkakatiwalaang balita.

Habang mayroong mga pahina na nakakapagbigay ng mapagkakatiwalaang impormasyon, nararapat lamang na suriin muna nang mabuti ng mga Pilipino ang mga pinagkukunan nila ng impormasyon bago maniwala sa mga ito. Binigyan ng Internet ng biyaya ang peryodismo dahil sa labis na pagdaloy ng impormasyon, ngunit sadyang ito rin ang naging problema.

Sa panahon ngayon, halos lahat ay kayang magtamo ng Internet access at mayroon nang kakayahang maglathala ng balita online, ngunit hindi ibig sabihin nito ay maaari na silang tawaging mga lehitimong manunulat at mamamahayag.

Nararapat na tandaan ng publiko na hindi lahat ng balitang nababasa online ay mayroong kredibilidad at sapat na batayan lalo na kung hindi galing sa mga kilala at pinagkakatiwalaang media outlets.

Nang dahil nga sa high-technology na mga kagamitan, minsan ay mahirap nang makilala ang kaibahan ng mga balitang likha ng mga “citizen journalists” mula sa balitang nanggagaling sa professional reporters, kaya importante ang pagiging kritikal ng mga mambabasa.

Walang kasiguraduhan kung ang lahat ba ng citizen journalists ay pinanghahawakan ang parehong mga prinsipyo at sinusunod ang etika ng mga regular na mamamahayag. Ang iba sa kanila, maaaring pinagsisilbihan lamang ang mga sariling interes. Kadalasan ay batay lamang sa opinyon ang inilalathala ng mga ito. Iba pa rin ang pagkuha ng impormasyon mula sa kinaugaliang media outlets kaysa sa mga nakikita o nababasa natin online na nanggaling sa kung kani-kanino lamang.

Bilang isang journalism junior, masasabi ko na iba pa rin ang pagsasanay na nakuha ng mga lehitimong mamamahayag kaysa sa mga citizen journalists. Iba pa rin ang karanasan ng mga regular na mamamahayag sa pagkuha at pagsulat ng mga balita kaysa sa mga balitang lumulutang lutang na lamang online.

Kung tutuusin, maaaring makatulong ang citizen journalism sa pagpapanatili ng peryodismo. Dahil tayo ay nasa tinatawag na digital age, maisasaad na ang hinaharap ng peryodismo ay nasa mobile at online. Mas mabilis ang pagpapakalat ng balita sa pamamagitan ng Internet at ng text messages na mas malayo at mas marami ang maaabot ng balita. Maging ang mga sikat na mga broadcasting companies at mga dailies ay piniling palakasin ang kani-kanilang online presence. Base sa estatistika, halos 45 milyong mga Pilipino ang gumagamit ng Internet o 43.5 porsiyento kabuuang populasyon ng bansa. Halos 37 milyon o 94 bahagdan sa mga ito ay nagmamayari ng Facebook accounts. Ayon naman sa datos ng National Telecommunications Commission, mahigit 130 ang estimated cellular mobile telephone subscribers noong 2014.

Higit na mas malaki ang bilang ng mga ordinaryong mamamayang kayang kumuha ng mga retrato at dokumento at maaaring maglathala ng balita online kaysa sa mga lehitimong peryodista, kinakailangan lamang ng pag-iingat sa mga pag-uulat at responsableng pamamahayag. Mainam rin na alamin ng bawat mambabasa kung maaari bang pagkatiwalaan ang kanilang mga pinagkukunan ng impormasiyon. Ang pag-angat ng citizen journalism ay tawag sa mga mambabasa na matutong maging mapanuri at sa mga citizen journalists na maging responsible sa pagpapahayag.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.