Komersiyalisayson ng yamang-lupa, itigil

0
2522

MARAHIL sa hiraya na lamang maisasakatuparan ng mga kababayan nating magsasaka ang inaasam nilang magandang kinabukasang hatid ng makatarungang sistemang pang-agrikultura.

Nakababahala ang unti-unting pagkawala ng mga lupang pansaka bunsod ng patuloy na industriyalisasiyon. Wala na ring humpay ang pagkakalbo ng mga kagubatan at pagpatag sa mga kabundukan kaalinsabay ng malawakang komersyalisasiyon.

Masamang pambungad ng buwan ng Marso ang balitang biktima na rin ng ganitong kawalang-pagpapahalaga sa mga yamang-lupa ang isla ng Sicogon sa Iloilo. Nasa hilagang bahagi ito ng lalawigan na sinasabing mayaman sa magagandang tanawin mula sa malasutlang buhangin ng dalampasigan hanggang sa dagat na animo tanso sa paglubog ng araw.

Bukod pa rito, lingid sa kaalaman ng nakararami, nagtataglay ang pook na ito ng humigit-kumulang 335 ektaryang lupang sakahan na tinitirhan ng 216 na benepisyaryo ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan (DAR).

Sinasabing isang kasunduan sa pagitan ng mga magsasaka at ng Ayala Land Inc. at Sicogon Development Corp. noong 2014 ang nagbunsod ng komersyalisasiyon ng nayon. Naging hudyat ito ng pagtatayo ng mga hotel, mall, subdibisyon at isang kilometro at kalahating airstrip. Tinatayang maliit na bahagi lamang ito ng “converted land” sa bansa kung ihahambing sa kabuuang 97,593 ektaryang lupang sakahan na tuluyan nang natayuan ng mga kabahayan at panturismong imprastraktura.

Maikakatwirang dulot ng matuling urbanisasiyon at paglaki ng populasyon ang pagpapatuloy ng ganitong gawain subalit hindi maikakailang nagbubunga ito ng panganib sa pangunahing industriya ng pagkain at kinabukasan ng mga magsasaka. Hindi rin masasabing legal ang lahat ng ito sapagkat maraming lokal na pamahalaan ang diumano nangangamkam ng mga lupain sa mga baryo.

Ninais matugunan ng DAR ang suliraning ito nang magpanukala sila ng dalawang taong ban sa aplikasiyon ng mga land conversion noong nakaraang Setyembre. Kung sakaling naaprubahan, sisiyasatin ng kagawaran ang mga naisagawang komersyalisasiyon ng mga lupang pansakahan mula noong Hunyo 1988 (kung kalian naisabatas ang Comprehensive Agrarian Reform Law) hanggang Hunyo ng nakaraang taon.

Paglilinaw ni Kalihim Rafael Mariano ng DAR, isasagawa ang naturang ban para sa ebaluwasiyon ng kasalukuyang estado ng mga converted land.

Ipinapahiwatig ng estadistika na ang pagiging “overcrowded” ng mga kalunsuran sa bansa ang pangunahing ugat ng lumalaking pangangailangan sa mga pabahay na sanhi naman ng pangangamkam ng mga malalaking korporasyon sa mga lupang sakahan.

Hindi na lamang sa Luzon talamak ang ganitong uri ng pananamantala kundi pati na rin sa Visayas at Mindanao na tanyag sa mga produkto gaya ng mga prutas, tubo at niyog. Ayon sa DAR, kasama ang Negros Occidental at Misamis Oriental sa mga lalawigang may pinakamataas na kaso ng land conversion.

Gayunpaman, gaano man anila kalaki ang pangangailangan ng mga Filipino sa tirahan, masasabing isang kalaspastanganan sa kalikasan at sa bayan ang walang-habas na pakikipagbuno ng mga kapitalista sa mga pobreng magsasaka.

Sa aspeto ng pangangalaga sa mga natural na pinagkukunang-yaman ng bansa, pinarurupok ng land conversion ang kalidad ng lupa dahil sa soil erosion. Dahil din hindi lehitimong pang-istruktural ang lupa ng mga sakahan, mas madaling sumama sa daloy ng tubig-dagat ang mga bitak at latak nito na maaaring pagmulan ng flashfloods. Nililimitahan din nito ang distribusiyon ng mga sariwang pagkain at inilalapit ang mga ito sa kontaminasiyon mula sa mga basura ng mga komersiyal na lugar.

Sa bansang agrikultural tulad ng Filipinas, hindi dapat hinahayaang nasa ibaba ng tatsulok ang mga magsasaka. Hindi dapat sila pinababayaang ipagtabuyan ng mga malalaking kumpanya dahil lamang sa kagipitan. Minsan, bunga na rin ng mga natural na kalamidad tulad ng bagyo, napipiplitan ang mga magsasaka na ipagbili ang kanilang mga lupang sinasaka sa mga mas may kapangyarihan.

Regulasiyon, katarungan, disiplina at tamang reporma sa lupa lamang ang makapagsasalba sa kanilang kinasadlakang kahirapan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.