‘Libreng matrikula’: Marupok, mapusok na konsepto

0
1936

SA PANAHONG lubog sa krisis ang bansa, dapat maging makilatis ang mga mamamayan sa mga pangil ng mga ipinapasang mandato tulad na lamang ng libreng matrikula sa mga mag-aaral ng state universities and colleges (SUC) sa ilalim ng Republic Act (RA) 10931.

Ikaapat ng Agosto nang ianunsiyo ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra ang pagpirma ng pangulo sa Universal Access to Tertiary Education Act na magpapatupad ng libreng matrikula sa mga lokal na kolehiyo at unibersidad at mga institusiyong technical-vocational na nasa ilalim ng pamamahala ng gobyerno.

Nagbunyi ang mga pangkat na matagal nang nagsusulong upang maisabatas ang panukalang ito datapuwat hindi maitago ang agam-agam ng iilan hinggil sa epekto nito sa kaban ng bayan. Malinaw na bukod sa pagiging usapin ng pribilehiyo, isa itong mahabang diskusyon ng “sustainability.”

Ayon sa batas na ito, mabibiyayaan ang mga mahihirap na mag-aaral sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga bayarin tulad ng “library fees, computer fees, laboratory fees, school ID fees, athletic fees, admission fees, development fees, guidance fees, handbook fees, entrance fees, registration fees, medical and dental fees, cultural and other similar or related fees,” bukod sa mismong matrikula. Para ito sa kahit sinong mag-aaral na o papasok pa lamang sa mga SUC matapos ang pagsasabatas.

Gaano man kaakit-akit ang batas na ito, dapat isaalang-alang na hindi lahat ng mag-aaral sa sekondarya o high school ay pinapalad na makapasa sa mga SUC. Ayon sa probisyon ng batas na ito, makakamit lamang ng mga mag-aaral ang pribilehiyo ng libreng matrikula sa mga SUC “provided that they pass the entrance examination and other admission or retention requirements” ng paaralang saklaw ng mandato. Kung gayon, hindi garantisadong masasakop ng batas ang lahat ng mahihirap na Filipinong mag-aaral.

Mataas ang pinangangalagaang pamantayan ng mga SUC kung kaya’t piling-pili at salang-sala ang mga tinatanggap nilang mag-aaral. Sa taunang University of the Philippines College Admission Test, 15-17 porsyento lamang sa mga kumukuha ng pagsusulit ang natatanggap base sa score na makakalap sa apat na bahagi nito. Idadagdag pa ito sa weighted average ng isang mag-aaral sa tatlong taon niya sa sekondarya. Maaari ring maging basehan ng admission ang katayuan sa buhay o lugar na pinagmulan ng aplikante subalit kung ganito ang pangkalahatang sistema, malinaw na nakaaapekto sa pagkakatanggap sa kolehiyo ang kalidad ng edukasiyon sa sekondarya. Kung gayon, dahil maraming maliliit at malalayong paaralang hindi nababantayan ang kalidad ng pagtuturo, mas lalong numinipis ang bahagdan ng mga benepisyaryo ng RA 10931.

Pinabulaanan din ni Budget Secretary Benjamin Diokno ang batas na ito sapagkat hindi pa tiyak kung saan huhugutin ng pamahalaan sa butas na bulsa ng bayan ang pantustos dito. Wika niya, maaaring umabot sa 100 bilyon ang gastusin. Wala ring alokasyon para rito sa budget sa susunod na taon at malabong sumapat ang walong bilyong budget ng Commission on Higher Education ngayong taon upang sustentuhan ito.

Nasusukat taon-taon ang alokasyon ng pambansang budget sa bawat kagawaran at ahensya ng pamahalaan. Kung ipagpapatuloy ang mandato ng libreng matrikula, ibig ba nitong sabihin ay kailangang kaltasan ang ibang sektor? Kung gayon, hindi ba ito makasasama sa ekonomiya?

Sa inilabas na pahayag ng UP School of Economics Student Council ukol sa usapin, idiniin na napakaliit na bahagdan lamang ng mga mahihirap ang nag-aaral sa mga SUC. “SUCs cater to all income levels with bulk from the middle class. Therefore, it would be an erroneous generalization to say that making tertiary education free would absolutely guarantee higher chances for the poorest of the poor to avail of education in SUCs.”

Maaaring puro’t dakila ang ugat ng panukalang libreng matrikula subalit hindi dapat ipagpasawalang-bahala ang pangmatagalang epekto nito. Masasabing kung mamadiliin ang mga proyektong tulad nito, maaaring magahol sa pagkukunang-yaman ang bansa at maisakripisyo ang ibang adhikain.

Ang edukasyon ay para sa lahat at isang unibersal na karapatang pantao ang pagkatuto. Maaaring maraming matulungan sa kasalukuyan ang RA 10931 subalit karapatan din ng susunod na henerasyon ang makinabang ditto nang buong-buo at hindi lamang makita bilang isang marupok at mapusok na konsepto.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.