Panitikan, hindi ligtas sa Batas Militar ni Marcos

0
15953

Marami ang ipinagbawal noong panahon ng Batas Militar, at isa na rito ang pagtuturo ng panitikan.

 

Isinalaysay ni Efren Abueg, propesor noong panahon ng Batas Militar sa Polytechnic University of the Philippines, ang pagtuturo ng panitikang naglalahad ng mga damdaming kumakalaban sa paniniil at kawalan ng hustisya sa ilalim ng diktadurya.

 

Wika niya, pili lamang ang mga panitikang maisusulat o mababasa noon. “May mga radikal na panitikang nasusulat din, ngunit sinusulat ng mga bayaran ng administrasyon at inilalathala sa mga outlet na dagliang inilabas ng pamahalaan.”

 

Pormalismo ang paraan ng pagtalakay kung saan mga paksang neutral ang istruktura at mga elemento nito, at pumapanig sa mga programa ng reporma ng pamahalaan tulad ng Martial Law, dagdag niya.

 

Saan napunta ang panitikan?

 

Mula sa mga kolehiyo at unibersidad, inilipat ng mga mag-aaral at mga propesor sa ilang mga nayon ang panitikang nilikha ng mga kadreng gerilya, at doon nila ito itinaguyod.

 

“Bunga nito, lumubog na sa mga kanayunan ang mga estudyanteng dati’y litaw at naghahayag ng mga isyung pambayan. Abenturismo ang magsalita nang hayagan at magturo sa klasrum ng mga araling hindi nagdaan sa paglilinis ng mga ahensiyang dagliang itinayo ng pamahalaan,” dagdag pa ni Abueg.

 

Lumaganap naman ang mga tula, sanaysay, at iba pang akda ukol sa pagsalungat sa Batas Militar matapos ang pagpaslang ni Benigno Aquino Jr. na siyang naging pangunahing kritiko ni Marcos noong rehimeng diktadurya.

 

“Isang mohon sa kasaysayan ng pagtuturo ng panitikan ang dramatisasyon ng mga protesta sa lansangang ipinangalan sa isang hindi ganoong pinag-aaralang personalidad sa ating kasaysayan,” ani Abueg.

 

Ipinahayag ni Abueg na hindi siya nangangamba na maulit muli ang nangyari noon, kung saan hindi pinahintulutan ang pagtuturo ng panitikan sa mga paaralan o unibersidad, sa isang panayam sa Varsitarian.

 

“Collateral fear lang iyan ng political conflict ngayon. Iba ang mga isyu ngayon. Noon, ibig manatili sa posisyon ang administrasyon, kaya ginagawa ang lahat para gipitin ang oposisyon,” wika ni Abueg.

 

Hinimok niya ang mga manunulat na magbasa ng kasaysayan ng wikang Filipino at pag-aralan ang papel ng wika at edukasyon sa kamulatan ng bayan lalo na ang mga akda nila Amado Hernandez, Lazaro Francisco, Lualhati Bautista at Edgardo Reyes.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.