UST, Panitikan at ‘V’

0
1302

LUBOS na nakadidismaya ang naging pinal na desisyon ng Korte Suprema hinggil sa pag-aalis ng Filipino at Panitikan (Philippine Literature) sa mga core subjects sa kolehiyo. Kinatigan nito ang naunang desisyon na nagbasura sa apela ng grupong Tanggol Wika kontra sa Memorandum Order 20 ng Commission on Higher Education (CHEd).

Isinasaad sa nasabing utos na hindi na requirement sa kolehiyo ang pagkuha sa mga asignaturang Filipino at Panitikan. Bagamat mariin ding ipinaliwanag ng CHEd na inilipat lamang nito sa kurikulum ng Senior High School ang Filipino at Panitikan, bigong maisaalang-alang ng ahensya ang katuturan ng pagtuturo ng mga asignaturang ito maging sa kolehiyo.

Bukod sa libo-libong guro ang mawawalan ng trabaho sa Filipino at Panitikan, pagkasira—o ang pinakamasama, pagkalimot—sa pagkakakilanlan bilang Filipino ang kahihinatnan ng pagiging optional ng mga nasabing asignatura sa kolehiyo. Hindi kasiguraduhan na sapat na ang pag-aaral ng mga ito sa elementarya at sekundarya.

Sa inihaing protest letter ng Tanggol Wika kaugnay sa naging desisyon ng Korte Suprema, inilatag nito ang komprehensibong presentasyon ng malaking kaibahan ng pagtuturo ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo mula sa elementarya at high school.

Sa naunang panayam ng Varsitarian kay Joselito de los Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Literatura sa UST, iginiit niya na hindi lamang sinusuri ng kursong Panitikan ang mga dakilang akda. “[T]inutugis din nito ang dahilan ng kadakilaang iyon,” wika niya.

Sa pag-aaral ng Panitikan sa unang taon ko sa Unibersidad, maliwanag sa akin ang malaking pagkakaiba ng natutunan ko noong high school at ngayong kolehiyo. Aminado ako na pumasok ako ng Unibersidad na limitado ang kaalaman tungkol sa panitikan ng Pilipinas. Hilig ko noon ang magbasa ng mga young adult literature ng mga paborito kong dayuhang awtor. Mabibilang lang sa daliri ng kamay ang mga alam kong akdang pampanitikan mula sa Pilipinas.

Bagamat may mga akda na parehang natalakay noong high school at ngayong kolehiyo, masasabi kong malaki ang pinagkaiba ng naging paraan ng pagtuturo ng mga ito.

Nariyan halimbawa ang pagsuri sa nobelang Dekada ‘70 ni Lualhati Bautista na patuloy na nagpapaalala sa karahasan at madilim na kasaysayan ng bansa sa ilalim ng Martial Law. Sa aking pagkakaalala, natuon lamang sa banghay ng nobela ang talakayan namin noong high school. Bukod sa tuwirang pagtukoy sa mga tauhan at tagpuan, naroon din ang pagsulat ng buod ng nobela.

Sa pagsusuri namin ng Dekada ‘70 sa kolehiyo, malalim na tinalakay ang konteksto ng nobela, partikular na ang mga kaganapan sa ilalim ng rehimeng Marcos. Hindi lamang limitado sa elemento ng akda ang pagtalakay namin sa akda ni Bautista. Sa pag-uugnay ng kasaysayan at politikal na usapin ng Pilipinas, naunawaan ko ang pagkadakila ng nobela at kung bakit mahalagang tinatalakay ito.

Isa lamang ang Dekada ‘70 sa mga patunay ng mahalagang gampanin ng Panitikan sa paghubog ng makabayang tunguhin. Nakatutulong ang Panitikan sa pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip—katangiang lubos na kapaki-pakinabang sa pagsusuri ng mga isyung panlipunan. Maging sa ibang mga bansa, nagsisilbing saksi at tagapamulat ng mga mamamayan ang sariling panitikan.

Sa halos tatlong taon kong pagiging bahagi ng Literary section ng Varsitarian, hindi ko na siguro mabibilang ang mga awtor na nagbigay-diin sa kung paano nagiging kasangkapan ang mga akda sa pagsusuri ng mga isyung panlipunan.

Hindi mawawala sa isang lunsad-aklat o diskusyon tungkol sa akda ang pagtalakay sa mga isyung panlipunan—lalo na sa mga isyung kinasasangkutan ng gobyerno. Palaging bahagi ng pagtalakay ng isang akda ang mga naging inspirasyon at mga layunin ng mga awtor.

Sa pagdalo at pag-uulat tungkol sa mga lunsad-aklat at diskusyon ng mga akda, nakita ko kung paano masasabing nakakabit sa Panitikan ang mga mahahalagang usapin sa lipunan. Ayon nga sa pangungusap na madalas gamiting halimbawa para sa pagwawangis o metaphor, “Ang Panitikan ay salamin ng buhay.”

Maituturing kong malaking oportunidad ang mga karanasan ko sa Unibersidad at Varsitarian upang makita ang kahalagahan ng Panitikan—asignaturang malaking kawalan sa pagpapatibay ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.

***

Sa pagtatapos ng publication year, nais kong pasalamatan ang mga naging bahagi ng aking paglago sa apat na taon. Maaaring hindi ako umabot sa pagtatapos sa kolehiyo kung wala ang tulong ng mga sumusunod.

Lubos ang pasasalamat ko sa Unibersidad sa pagtanggap nito sa akin para maisakatuparan ang ambisyong magkamit ng journalism degree. Hindi ko rin kalilimutang tanawin bilang malaking utang na loob ang pagkakaloob nito sa akin ng academic scholarship.

Bukod sa pagpapamulat sa akin ng kahalagahan ng Panitikan, hindi ko mabibilang ang naging ambag ng Varsitarian sa paghasa ng kakayahan ko hindi lamang sa pagsusulat, kung hindi pati na rin sa pakikipagkapwa-tao. 

Sa pagiging bahagi ng opisyal na pang mag-aaral na pahayagan ng UST, marami akong natutunan mula sa mga taong bumubuo nito—publication advisers at kapwa staffers. Napagtanto ko na kakabit ng pribilehiyong mapabilang sa Varsitarian ang mga obligasyong kailangang pangatawanan at ang mga sakripisyo sa maraming bagay

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.