BINIGYANG DIIN ng isang eksperto ang mga pagbabago sa wikang Filipino na naging basehan ng bagong edisyon ng Diksiyonaryong Filipino.

Ayon kay Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at punong patnugot ng Pambansang Diksiyonaryo sa Filipino, mahalagang bantayan ang mga pagbabago sa wikang Filipino.

“Napakabilis ng pagbabago ng Filipino. Kaya kailangan sundin kaagad kung ano ang nagaganap na pagbabago,” ani Almario.

Isa sa mga naging tuon ng ikatlong edisyon ang mga karunungan at kaugalian mula sa mga katutubong wika ng Pilipinas.

“Mas nabigyan ng espasyo ang paraan ng pagsulat sa mga katutubong wika. Lalo na yung mga wika na walang literature na nakasulat. Makakatulong ito sa pagbuo ng kanilang sariling orthography,” paliwanag niya.

Liban sa mga katutubong salita, mayroon ding moderno o makabagong mga salita na nadagdag mula sa mga patimpalak, napapanahong salita tulad ng “beki speak,” at iba pa na ginamit sa nakaraang limang taon.

“[Salita ng Taon ang] isang pamantayan namin kung gaano kapopular ang isang salita… Ikalawa, ako mismo ay kailangang nagmamasid sa kung paano magsalita ang bayan,” wika niya.

“[K]ailangan ang isang salita ay, una, makita kong nakasulat. Ikalawa, makita ko na sa loob ng limang taon ay isinusulat,” pagpapatuloy niya.

Naniniwala si Almario na malaki ang impluwensiya ng mga dayuhan sa wikang Filipino kaya’t naisipan niyang isama ang ilang salita nila sa diksiyonaryo.

“Naririnig natin ang Ingles halos araw-araw… o nababasa ang Ingles sa iba’t ibang paraan. Kaya napakaraming Ingles na ang pumasok sa ating diwa, iyon ay hindi natin [mapipigilan]. Forced language natin ang Ingles,” aniya.

Hindi binago ang paraan ng pagsasatitik para sa mga salitang banyaga sapagkat marami sa mga salitang Ingles ang hindi pa isinusulat. Madalas pa lamang bigkasin ang mga ito sa araw-araw na pag-uusap.

Ang paglulunsad ng diksiyonaryo ay ginanap noong ika-2 ng Disyembre sa pangunguna ng Ateneo University Press. 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.