NAGBABALA ang Komisyon sa mas Mataas na Edukasyon (CHEd) sa posibleng pagtanggal ng scholarship ng 424 iskolar mula sa 17 na higher education institutions (HEIs) dahil sa polisiyang “mass promotion” o “pass all” noong nakaraarang semestre.
“Ched called on 17 HEIs to provide numerical grades to 424 students so they can continue their education with benefits under the CHEd Merit Scholarship Program (CMSP),” sinabi ng CHEd sa opisyal na pahayag nito noong Miyerkules, ika-14 ng Agosto.
Ayon kay Prospero de Vera, tagapangulo ng komisyon, matagal nang nagbabala ang CHEd sa mga HEI na nagpatupad ng sistemang “pass all” ukol sa maaaring epekto nito sa mga iskolar.
“Ched has already warned HEIs last June that students who are on merit scholarship and need numeric grades will be severely affected by HEIs that do this,” wika ni de Vera.
Iginiit ni de Vera na hindi nagkulang ang komisyon sa pagpapaalala na hindi dapat makompromiso ang kapakanan at interes ng mga mag-aaral sa pagpapatupad ng polisiyang “pass all.”
“I made it very clear in Ched announcements that while the grading system of HEIs are determined and exercised by individual HEIs in the exercise of their academic freedom, any decision to adopt a ‘pass all’ policy must ensure that the interests of individual students are not compromised,” giit ni de Vera.
Binigyang-diin ng CHEd na kailangan ng mga iskolar ang gradong hindi bababa sa 85 kaya’t mahalaga na maisumite ng HEIs ang numerical grade ng mga iskolar upang patuloy nilang magamit ang kanilang scholarship.
Kabilang sa 17 na institusyon ang Saint Mary’s University, Bataan Heroes Memorial College, De La Salle University (Dasmariñas), STI College Rosario, University of the Philippines Los Baños, Cavite State University, Mary Help of Christians College-Salesians Sisters Inc., Ateneo de Naga University, Partido College, Pili Capital College, Inc., Bicol State College of Applied Sciences and Technology, University of the Philippines (Visayas), Mindanao State University (Iligan Institute of Technology), Mindanao State University (Naawan), Polytechnic University of the Philippines (Sta. Mesa, Manila), University of Baguio, Mindanao State University (Marawi)
Binigyan ng CHEd ang mga tinukoy na HEIs hanggang ika-30 ng Oktubre, 2020 upang ayusin at isumite ang mga grado ng kanilang mga estudyante.
Noong ika-14 ng Abril, binigyan ng CHEd ng kalayaang magdesisyon ang mga kolehiyo at unibersidad tungkol sa pagpapatupad ng pangkalahatang pagpasa sa mga estudyante sa gitna ng ng pandemyang Covid-19.