BAHAGI ang isang Tomasinong aktor sa serye ng mga monologong tumatalakay sa mga tauhan ng nobelang Noli Me Tangere.

Isa si Joem Bascon sa mga inanyayahang magtanghal ng dramatikong pagbabasa ng monologo bilang isa sa mga tauhan sa nobela ni Jose Rizal sa programang Sari-Sari ng Radyo Katipunan.

Gumanap siya bilang si Elias, hango sa mga pangyayari sa ika-62 kabanata ng nobela.

Ayon kay Gary Devilles, dalubguro ng Filipino ng Pamantasang Ateneo de Manila at isa sa mga tagapagpadaloy ng programa, makikita sa monologo ang malalim na tiwala ni Elias kay Crisostomo sa kabila ng mga kasawian niya sa nobela.

“Sa kabila ng pagtataksil o sa pagaalipin sa kanila ng mga Ibarra, nakuha niyang ipusta ang buhay niya, ang prinsipyo niya sa isang tao, at iyon si Ibarra,” wika ni Devilles.

Dagdag ni Devilles na nagkaroon si Elias ng tila pagbabadya sa mga mangyayari kay Crisostomo. 

“Ang araw na kayo ay maghirap, magutom, pag-usigin, ipinagkanulo, at ipagbili ng inyo ring mga kababayan, sa araw na iyon inyo’y susumpain ang sarili ninyong katawan, ang inyong kinamulatang bayan, at ang lahat,” wika ni Bascon bilang si Elias.

Ibinahagi ni Bascon ang kanyang proseso ng pananaliksik para sa karakter ni Elias at ang kanyang personal na koneksyon sa karakter na ito.

“Siguro yung pagiging magkapareho namin is andito lang ako sa bansa ko, hindi ko alam kung ano mangyayari sa akin pero lalaban ako para mabuhay, para sa sarili ko. Yung gagawin ko yung mga normal kong ginagawa at iyon yung ginagawa ko para sa bayan ko,” ani Bascon.

May bahagi rin ng monologo kung saan mayroong pagsusuri sa pagkatao ni Elias upang mas makilala ang karakter.

“Kahit ano man ang ginawa sa kanya ng mga kanunununuan ni Ibarra, binigay pa rin niya ‘yung full guarantee niya doon sa naging kaibigan niya kay [Crisostomo]. So, may mga ganung tao, may iba na hindi nila kakalimutan iyon at babawi sila,” wika ni Bascon.

Nai-broadcast ang monologo sa Radyo Katipunan noong ika-8 ng Hunyo kung saan kasama rin sa mga nagbasa ng monologo sina TJ Trinidad bilang Crisostomo Ibarra, Jasmine Curtis-Smith bilang Maria Clara, at Mercedes Cabral bilang Salome. Matthew G. Gabriel

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.