Growling Tigers, bagsak sa unang round

0
657

BAGAMAT natamo na ang mailap na tagumpay, malabo pa rin ang pag-asa ng Growling Tigers, na may 1-5 kartada, sa Final Four ng UAAP Season 68.

Matapos ang limang sunud-sunod na pagkatalo, nalusutan ng UST ang National University (NU) Bulldogs, 107-100, sa isang overtime noong Hulyo 31 sa Araneta Coliseum.

Ayon kay head coach Nel Parado, bata pa talaga ang koponan “kaya wala dapat masyadong asahan.” Ngunit masaya siya na nakamit na ang panalong kanilang hinihintay.

“A win is still a win. Siguro, ito na ang hinihintay naming morale booster para magtuluy-tuloy na,” pahayag ni Parado.

Sadyang determinado ang Tigers na manalo nang lumayo sila sa Bulldogs gamit ang isang 15-4 run sa overtime period. Nagtulong-tulong sina Tigers team captain Warren De Guzman, point guard Jun Cortez, at shooting guard Jojo Duncil para sa 105-95 na kalamangan sa Bulldogs, isa at kalahating minuto na lamang ang nalalabi sa overtime.

Tinambakan ng Tigers ang kanilang kalaban sa kauna-unahang pagkakataon ngayong season. Dinoble ng Tigers ang 15 puntos ng Bulldogs sa ikalawang yugto nang magtala sila ng 33 puntos sa pamumuno ni Duncil na umiskor ng siyam na puntos ng Tigers. Lamang ang UST, 56-33, sa pagtatapos ng first half.

Humabol ang Bulldogs sa second half nang mag-isang itinaguyod ni Edwin Asoro ang NU upang maitabla ang marka sa 85 sa mga huling minuto ng fourth quarter. Sumaklolo naman si Duncil para sa Tigers nang umiskor siya sa isang three-point play. Naagawan ng bola ang bagitong si Dylan Ababou, na nagbigay kay Bulldog Jonathan Fernandez ng pagkakataon na tumikada ng isang tres para itulak ang laban patungong overtime, 88-all.

Sa ikalawang sunod na laro, nagpakitang gilas si Duncil na nagtala ng career-high na 22 puntos. Samantala, nagkamit rin ng career-high na 30 puntos si Asoro para sa NU.

Malaking bagay din sa unang panalo ng UST ang kanilang bench scoring na sumampa sa 62 puntos laban sa 20 puntos lamang ng NU.

Dinikdik ng Archers

Nagmistulang mga basang sisiw ang Tigers matapos dikdikin ng De La Salle University (DLSU) Archers, 78-98, noong Hulyo 28 sa Araneta Coliseum.

Hindi na nakaporma ang Tigers matapos umarangkada ang Archers, 33-14, sa pangunguna ni swingman Joseph Yeo na pumuntos ng 11 sa kanyang 18 puntos sa unang yugto.

Nagpatuloy ang pagbulusok ng UST hanggang third quarter, kung kailan nagtala ang DLSU ng pinakamalaking lamang na 33 puntos.

Nagawang maibaba ng UST ang kalamangan sa fourth quarter ngunit laban na lamang ito sa mga reserbang manlalaro ng DLSU at wala nang pagkakataong makabalik pa.

Sa tapat ng agresibong full-court press ng Archers, nagkamit ang Tigers ng 27 turnovers na isinalin ng Archers sa 31 puntos.

Naging mapurol na naman ang shooting ng UST na nakagawa lamang ng 33.8 porsiyento sa field goals laban sa 46 porsiyento ng Archers. Naungusan din ng DLSU ang UST sa inside points, 48 laban sa 32.

Pinangunahan ni Duncil, na nagtala ng 20 puntos, ang Tigers sa kabila ng matamlay na pagpapakita ng mga batikang sina Danny Pribhdas at Warren de Guzman na nagsama para sa 13 puntos lamang.

Sinuwag ng Tamaraws

Pinagpiyestahan ang Tigers ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 62-76, noong Hulyo 24 sa Blue Eagle Gym, Quezon City.

Pagkatapos makipagpalitan ng puntos sa first quarter, walang kalaban-laban ang Tigers sa tindi ng puwersa ng starters ng Tamaraws. Iniwanan ng Tamaraws ang Tigers sa isang 26-7 ratsada sa pagbubukas ng second quarter.

Nagsimulang magtulungan ang mga starters ng UST sa mga huling minuto ng third quarter. Naibaba nila ang kalamangan sa siyam, 41-50, ngunit napigilan ng ng buzzer beater na tres ni Jonas Villanueva ng FEU ang tangkang paghabol ng UST. Hindi na muling nakalapit ang Tigers sa huling quarter.

Lalong nadehado ang UST sa pagkawala ni team captain De Guzman sa huling yugto ng laban dahil sa isang knee injury matapos maibuslo ang isang lay-up sa simula ng fourth quarter.

Nanguna si Tamaraw Arwind Santos na nagtala ng isang double-double performance na 15 puntos at 16 rebounds.

Umiskor naman ng team-high na 14 points si De Guzman.

Tumiklop sa Falcons

Walang nagawa ang Tigers nang tambakan sila ng Adamson Falcons, 83-68, noong Hulyo 21 sa Araneta Coliseum.

Bagamat lumamang ang UST sa fastbreak points at points off turnovers, sinarhan ng matinding depensa ng Adamson ang mga starters ng Tigers. Nagtala ng 48 puntos ang starters ng Falcons, habang 34 puntos lamang ang sa nagawa ng unang limang manlalaro ng Tigers. Napako si De Guzman sa pitong puntos. Tumikada rin ng nakakadismayang 13.41 percentage ang Tigers sa perimeter shooting.

Marami ring itinapong puntos ang Tigers sa free throw line. Sa kanilang 35 pagtatangka, 15 lamang ang pumasok o 42.9 per cent.

Nagtala ang beteranong Falcon na si Jojo Hate ng double-double na 16 puntos at 11 rebounds, pito sa offensive boards. Nagtala rin ng double figures ang ibang Falcons na sina Patrick Cabahug, Roel Hugnatan, at Karl Bono na may 13, 12, at 11 puntos bawat isa.

Pinangunahan naman ni Pribhdas ang UST sa kanyang 13 puntos.

Tigers, dinagit ng Eagles

Tumiklop ang UST laban sa Ateneo de Manila University (AdMU) Blue Eagles, 72-79, noong Hulyo 16 sa Araneta Coliseum.

Tulad ng laban ng Tigers kontra UP Maroons, dikit ang naging laban nila sa Eagles. Ngunit nagpakita ng tibay ng loob ang mga bata ni Norman Black sa mga huling minuto ng fourth quarter upang mairaos ang panalo sa koponang galing sa España.

Sa kabila ng dikit na labanan, humataw si JC Intal sa huling yugto na laban nang gumawa siya ng siyam sa kanyang 22 puntos na sumigurado ng panalo para sa Eagles.

Nagtala rin si AdMU pointguard LA Tenorio ng 15 puntos, 11 rebounds, at 12 assists.

LEAVE A REPLY