Booters ‘di umubra sa San Beda, nanatili sa ikalawang pwesto

0
460

Sinubukang makipagsabayan at di nagpatinag ang isang Golden Booter sa sikat at batikang manlalarong si Philip Younghusband (nakapula). Photo by Josa Camille A. BassigPINALUHOD ng San Beda College-Mendiola ang UST Golden Booters para sungkitin ang kampeonato sa iskor na 4-1 sa 5th Muntinlupa-Parañaque-Las Piñas Football Association na ginanap noong Hunyo 27 sa Alabang Country Club.

Hindi kinaya ng Booters ang koponan na kinabilangan ng magkapatid na James at Phil Younghusband na mga batikang manlalaro ng National Team.

“Sa second half, last fifteen minutes, sumuko iyong ibang mga players. Hindi pa nga tapos yung laro, parang tinanggap na nila na talo na,” sabi ni Golden Booters coach Marjo Allado.

Unang umiskor para sa San Beda si Fracis Dee Sumudivila sa unang 19 na minuto ng laro. Sumagot naman si Fidel Que sa ika-31 minuto upang itabla ang laban sa iskor 1-1.

Ngunit nakapuntos muli ang San Beda sa huling minuto ng first half nang malusutan ni Phil Younghusband ang UST goalkeeper na si Ramon Borigas nang lumayo ang huli mula sa goal post at sinubukang pigilan ang bola habang ito ay nasa loob pa lamang ng goal area.

Sa mga huling labi ng second half, kumamada si Christopher Pedimonte sa ika-79 na minuto na sinundan ni Phil Younghusband sa huling pitong minuto ng laban.

Hindi nakapaglaro para sa UST si Nicanor Palacio at si David Pornea para sa San Beda. Kapwa sila nabigyan ng red card sa unang paghahanap sa pagitan ng dalawang koponan noong Hunyo 20. Na-forfeit ang laban matapos magkainitan at magsuntukan ang mga manlalaro sa huling 28 na minuto ng laro.

Bago ang kampeonato, nagtala ng 2-0 win-loss card ang Golden Booters matapos talunin ang Liberia Football Club, 6-1, noong Mayo 16 at Giligans Football Club, 1-0, noong Mayo 23. Frauleine Michelle S. Villanueva

LEAVE A REPLY