Junior Tiger Spikers bigo kontra NU

0
307

2 Agosto 2014, 3:24 p.m. – BIGO ang UST Junior Tiger Spikers na mapanatili ang kanilang malinis na kartada matapos silang padapain ng National University, 26-24, 16-25, 22-25, 24-26, sa UAAP season 77 boys’ volleyball tournament sa Adamson Gym ngayong Sabado.

Tinangka ng UST na paabutin sa ikalimang set ang laban nang umangat sila sa ikaapat na set, 23-18, matapos ang apat na sunod-sunod na error ng NU.

Ngunit nagpakawala ang Bullpups ng isang 6-0 run sa pangunguna ni Samuel Castro upang tuluyang lampasuhin ang Tiger Spikers, 26-24.

Dikdikan ang naging sagupaan sa unang bahagi ng ikaapat na set matapos pumukol si Armil Lajara ng UST ng isang ace at drop upang bigyan ang Tiger Spikers ng 15-11 kalamangan.

Tangan ngayon ng UST ang 2-1 na kartada.

“Naging problema namin yung maturity sa laro. Kulang pa sa ganoon yung mga players. Wala rin kaming receive at madaming errors,” ani coach Clarence Esteban.

Pinangunahan muli ni Lorenz Señoron ang opensiba ng Tiger Spikers matapos magtala ng 13 puntos habang nagbuslo naman si Teo de Guzman at Lajara ng pinagsamang 19 puntos.

Sa pangunguna ni Ryan Millares, nag-init ang NU sa unang set, 18-13, ngunit kumamada ng 9-3 run ang UST upang mabawi ang lamang at tuluyang makauna, 26-24.

Sa ikalawang set, nagpakawala ang NU ng isang 14-2 run para maitabla ang laban.

Muling bumuo ng malaking lamang ang NU sa ikatlong yugto, 18-8, ngunit sumagot ang UST ng isang 12-1 salvo sa likod nina Señoron at De Guzman upang kunin ang bentahe, 20-19.

Pumukol ng 15 puntos si Daryl Cayamso para sa Bullpups habang nag-ambag naman si Millares ng 12.

Susunod na makakaharap ng UST Junior Tiger Spikers and Unibesidad ng Pilipinas sa Sabado, Agosto 9, sa Adamson Gym. Karl Cedrick G. Basco

LEAVE A REPLY