Subido handang magpakitang gilas para sa UST

0
394

DETERMINADONG magpakitang gilas ang dating UAAP juniors scoring champion Henri Lorenzo Subido suot ang gintong uniporme ng UST.

Lumalaban para sa Growling Tigers, isa ang dating point guard ng De La Salle-Zobel sa mga inaasahang mahahasa ng todo ang kakayahan sa kanyang unang sabak sa seniors league.

Ayon sa 18 na taong gulang na rookie, UST ang kanyang naging prayoridad matapos makita ang pagpapahalaga ng unibersidad sa edukasyon.

Pinili rin niyang maglaro para sa Growling Tigers dahil nakita niyang dito mas uusbong ang kaniyang basketball career.

Naniniwala si Subido na mas mabibigyan siya ng exposure sa UST, at magkakaroon siya ng pagkakataon na matuto mula sa mga beteranong sina Kevin Ferrer, Karim Abdul at Aljon Mariano.

Dagdag pa niya, ang pangangailangan ng Growling Tigers sa isang natural point guard ang isa rin sa mga naging dahilan kung bakit mas pinili ng dating Junior Archer na lumipat sa Espanya.

Ayon naman kay head coach Bong dela Cruz, nakita niya ang potensyal ni Subido sa kanilang mga naging practices kaya naisama ito sa opisyal na lineup ng UST para sa season 77.

Dumaan sa mahabang proseso si Subido makakuha lang ng puwesto sa Tigers, mula sa kanyang pagkuha ng kaniyang release papers galing sa DLSZ hanggang sa pagkumbinsi niya sa coaching staff na karapatdapat siya maging isang Growling Tiger.

“I think coach saw that I am perseverant at the same time assertive kaya ako nabigyan ng slot sa team,” ani Subido.

Kahit na nabibigyan na ng consistent minutes sa unang larga niya sa UAAP, hindi parin kuntento ang dating mythical five member sa kaniyang performance.

Inamin din ng 5’9” point guard na ibang iba ang lebel sa high school kumpara sa seniors league lalo na pagdating sa physicality ng laro.

Dagdag ni Subido, mataas ang inaasahan ng koponan sa kanilang mga rookies lalong-lalo na sakanya bilang isa sa mga posibleng on-court leaders sa mga laro.

Ang pagiging isang epektibong leader ang isa sa kanyang mga gustong matutunan sa mga beteranong sina Kevin Ferrer at dating King Tiger na si Jeric Fortuna na galing din sa La Salle-Zobel.

“I look up to the leadership of both Kevin Ferrer and Jeric Fortuna kahit on and off the court, but of course I don’t want to stay to that level, I want to go beyond that,” aniya.

Ayon kay Subido, nais niyang patunayan na kahit rookie pa lang siya, kayang-kaya rin niyang sabayan ang laro ng mga beterano.

“A lot of people are saying that if you are a rookie, you are not going to make that much [of an impact] and I want to prove to everyone that even a rookie can play as a veteran,” aniya.

Inaabangan na din ng rookie guard na makaharap ang mga top point guards ng liga tulad nina Roi Sumang ng University of the East, Thomas Torres ng La Salle at Nico Elorde ng Ateneo upang masubukan ang kaniyang tikas sa paglaro.Inamin man niya na magiging mahirap ang mga match ups na ito, walang takot niya itong susuungin sapagkat doon siya matututo.

Matapos ang ilang laro para sa Growling Tigers, masayang inamin ni Subido na wala siyang pagsisisi na UST ang napili niyang ikatawan.

LEAVE A REPLY