Pagbawi ng korona

0
562

SA IKALAWANG bahagi pa ng unang semestre sila sasabak sa UAAP ngunit desidido ang mga koponang ito na tulungan ang UST na ibalik ang dati nitong karangalan at bawiin mula sa De La Salle University ang titulong overall champion.

Narito ang prediksyon ng Varsitarian sa mga magiging tiyansa ng mga koponang ito.

BEACH VOLLEYBALL

Tiger Spikers
Nakaraang taon: Ikalawang Puwesto
Prediksyon: Kampeon

Sa pagbabalik nina Mark Gil Alfafara na dating Most Valuable Player at Kris Roy Guzman na Season 76 Rookie of the Year, malaki ang posibilidad na maiuwi ng UST ang kampeonato ngayong taon.

Maging ang beteranong coach na si Emil Lontoc ay bumalik na rin upang gabayan ang tambalang Alfafara at Guzman para maka-angat sa kanilang runner-up finish noong nakaraang taon.

Para sa Season 77, mananatiling mahigpit na kalaban ng Tiger Spikers ang defending champion na National University. Ngunit ayon kay Lontoc, isang malaking lamang na para sa kanilang koponan ang pagkapanalo ng Tiger Spikers sa nakaraang Philippine National Games (PNG) noong Mayo.

Lady Spikers
Nakaraang taon: Ikalawang Puwesto
Prediksyon: Kampeon

Dalawang bagong pangalan para sa UST ang magtatangkang bumawi ng kampeonato mula sa Adamson Lady Falcons.

Buo ang kumpiyansa nina Rica Jane Rivera at Cherry Ann Rondina, na parehong nagpakitang gilas sa Palarong Pambansa at PNG, na kaya nilang mag-kampeon sa beach volleyball ngayong taon.

Ayon kay Lontoc, mamumuhunan sa depensa sina Rivera at Rondina tungo sa kanilang hangarin na maibalik ang korona sa UST.

CHEERDANCE

Salinggawi Dance Troupe
Nakaraang taon: Ikapitong Puwesto
Prediksyon: Ikalimang Puwesto

Hindi man naungusan ng Unibersidad ng Pilipinas ang UST sa may pinaka-maraming kampeonato sa kasaysayan ng UAAP Cheerdance Competition noong isang taon, dinanas naman ng Salinggawi Dance Troupe (SDT) ang kanilang pinakamasaklap na pagkatalo.

Nabigo ang SDT na mag-uwi ng karangalan noong isang taon mula sa kanilang Egyptian-themed routine kung kaya’t nangako sila na paghahandaan nila ng lubusan ang kumpetisyon ngayon.

Mahigit isang buwan bago ang Cheerdance Competition, puspusan na ang paghahanda ng SDT sa kanilang mga routine at stunts upang unti-unting maibaon sa limot ang mapait na pagkatalo noong nakaraang taon.

SWIMMING

Tigersharks
Nakaraang taon: Ikaapat na puwesto
Prediksyon: Ikatlong puwesto

Mas batang koponan ang ipaparada ng UST Tigersharks sa darating na paglisahan ng paglangoy sa UAAP Season 77, kaya naman magiging mailap pa rin ang tiyansa ng koponan na maiuwi ang titulo ngayong taon.

Kahit nawala na ang mga beteranong sina JR Bautista at Dexter Docong, hindi ito itinuturing na malaking problema ni coach Cyrus Alcantara dahil maganda ang ipinapakitang potensyal at dedikasyon ng kaniyang koponan.

Bagaman bentahe nila ang potensyal ng kanilang mga batang manlalaro, sinabi ni Alcantara na hindi pa sila ganoon kahinog bilang isang koponan at sinabing mahihirapan silang sumabay sa mga beteranong koponan tulad ng Ateneo de Manila University.

Female Tigersharks
Nakaraang taon: Lumiban
Prediksyon: Ikatlong pwesto

Matapos lumiban sa kompetisyon noong nakaraang taon bilang protesta sa kontrobersyal na residency issue ng dati nilang manlalaro, muling nagbabalik ang UST Female Tigersharks sa UAAP swimming.

Sa pamumuno nina Edlyn Son at Mary Angelique Saavedra at sa tulong ng anim nilang rookies, umaasa si coach Cyrus Alcantara na makakapasok sa top four ang kaniyang koponan ngayong season.

Hindi pa man ganoon kaganda ang tiyansa nilang patumbahin ang mga beteranong koponan tulad ng defending champion na Unibersidad ng Pilipinas ngayong taon, mas nakikita ni Alcantara na magiging dominante ang Female Tigersharks sa mga susunod pang season.

JUDO

Tiger Judokas
Nakaraang taon: Ikaapat na puwesto
Prediksiyon: Ikaapat na puwesto

Dadaan ang Tiger Judokas sa butas ng karayom upang magkamedalya ngayong taon matapos mawala ang mga batikang sina Jon Rodriguez, Stephen Que at Harvey Navarro.

Sa gitna ng pagkawala ng mga key players ng Tiger Judokas, mas magiging mahirap ang kanilang pagsabak sa bawat laban sanhi ng hindi pagkakaroon ng mga bagong manlalaro.

Aminado si head coach Steve Esteban na magiging mahigpit ang labanan sa UAAP lalo na kontra sa mga powerhouse na koponan tulad ng University of the Philippines, De La Salle University at defending champion na Ateneo de Manila University.

Hindi ikinaila ni Esteban na mahina ang kanilang koponan sa ibang weight divisions, lalo na sa heavyweight class, matapos mabigong punan ang mga puwesto na naiwan ng mga nagtapos na manlalaro.

Lady Judokas
Nakaraang taon: Ikaapat na puwesto
Prediksiyon: Ikalawang puwesto

Naudlot man ang kanilang tatlong taong pamamayagpag sa UAAP matapos ang isang nakadidismayang fourth-place finish noong nakaraang taon, determinado ang Lady Judokas na maibangon ulit ang koponan at mahigitan ang kanilang ipinakita noong huling season.

Umaasa si head coach Gerard Arce na matutulungan kaagad ng rookies na sina Jamaica Ponciano, Krisha Rotairo at Acelyn Yap, na nag-uwi ng ginto sa Philippine National Games, ang beteranong si Sueko Kinjho na matupad ang kanilang misyon na mag-reyna muli sa UAAP.

“Kung puwede lahat sana magbigay ng panalo sa team, either gold, silver or bronze. Kailangan mag-contribute bawat isa, magtulungan,” sambit ni Arce.

Matapos hindi madepensahan ang kanilang titulo noong nakaraang taon dahil sa pagkakaroon ng walong rookies, mas malaki ang tiyansa na maibalik ng Lady Judokas ang korona ngayon dahil na rin sa pagkawala ng mga key players ng ibang koponan.

“Mataas ang expectation ko ngayon, kasi iniisip naming makabawi, na may mai-prove, kasi nasira talaga ang puso nila, biglang nawala,” ani Arce.

TABLE TENNIS

Tiger Paddlers
Nakaraang taon: Ikaapat na puwesto
Prediksyon: Finals

Kinapos man sa medalya noong nakaraang taon, susubukan ng nagbabalik na si coach Jackson Que at ng Tiger Paddlers na ibalik ang korona sa Espanya ngayong season 77.

Kahit na nasa rebuilding stage pa rin ang koponan ngayong taon, sinigurado ni Que na nasa mabuting kondisyon ang kaniyang mga manlalaro pagsabak nila sa UAAP.

Kahit pa muling nagsama-sama ang kanilang mga beterano sa koponan na siyang magpapaganda sa kanilang tiyansa manalo, hindi pa rin masasabi ni Que na tuluyan na silang handa, sapagkat patuloy pa rin niyang hinahasa ang kaniyang mga manlalaro.

Lady Paddlers
Nakaraang taon: Ikatlong puwesto
Prediksyon: Ikatlong puwesto

Matapos umangat sa standings noong nakaraang taon, hangad ngayon ng Lady Paddlers na mapanatili ang kanilang magandang laro upang maiwasang bumaba sa kanilang puwesto.

Upang makamit ang mas mataas na puwesto, kailangan na malagpasan ng UST ang mas pinalakas na De La Salle University at defending champion na University of the Philippines.

Binigyang diin ni Wadjad na kailangang mabigyan ng mas maraming exposure ang kaniyang mga manlalaro at mapabuti pa ang kanilang estratehiya at maging consistent sa pagsasanay.

Kahit isa lang ang nadagdag sa lineup nila ngayong taon, wala gaanong nabago sa kanilang pagsasanay dahil nanatiling buo ang koponan sa ilalim ng pamamahala ni coach Lorinda Wadjad.

LEAVE A REPLY