FEU pinaluhod ng Male Shuttlers

0
321

23 Agosto 2014, 5:34 p.m. – BUHAY pa ang pag-asa ng UST Male Shuttlers na makapasok sa final four matapos paluhurin ang Far Eastern University, 4-1, sa UAAP men’s badminton tournament sa Rizal Memorial Coliseum kanina.

Siniguro ng tambalang Patrique Magnaye at Matteo Tungkul ang panalo ng Male Shuttlers matapos nilang patumbahin sina Joshue John Bernardo at John Mark Maquelabit ng FEU sa ikalawang doubles match, 21-9, 23-21.

Tinapos ni Alcaed Sabanal ng UST ang bakbakan matapos walisin si Vince Lagnada sa ikatlong singles match, 21-16, 21-8, para sa 4-1 na panalo.

Sa kabila ng panalo, nakulangan pa rin si head coach Noli Cajefe sa ipinakita ng kaniyang mga manlalaro at sinabing hindi “convincing” ang kanilang naging laban.

“Although panalo, kinulang ako sa ineexpect ko sa kanila today,” aniya. “Kailangan pa namin makuha ‘yung consistency ng opensa.”

Dagdag pa ni Cajefe, buhay pa ang tiyansa ng Male Shuttlers, na umangat sa 3-3 na kartada, para sa final four basta maging agresibong pa ang koponan sa mga susunod na laban.

Dinurog naman nina PaulJohn Pantig at John Edgard Reyes ng UST sina John Christian Mendez at Rafael Nicholas Dionisio Jr. sa unang doubles match, 21-13, 21-17.

Wagi rin si Pantig laban kay Dionisio sa unang singles match, 21-10, 21-10.

Hindi naman pinalad sa ikalawang singles match si Jesschard Piol para sa nag-iisang talo ng Male Shuttlers.

Susunod na makakalaban ng UST ang University of the Philippines bukas, Agosto 24, sa Rizal Memorial Coliseum.

LEAVE A REPLY