Rookie nagpamalas ng bangis para sa UST Growling Tigers

0
472

PARA SA koponan na naghihingalo, lifeline na maituturing ang rookie na si Regie Boy Basibas matapos itong pumutok sa laro ng UST Growling Tigers kontra University of the Philippines at buhayin ang kanilang pag-asa na umabot sa Final Four ng UAAP Season 77 men’s basketball tournament.

Nagtala ang forward ng career-high na 16 points at 18 rebounds para tulungan ang UST na pataubin ang UP, 77-65, sa ikalawang round ng torneo.

Pinunan ni Basibas ang pagkawala nina Kevin Ferrer at Ed Daquioag na kapwa may injury.

“Kapag rebound, ako ‘yung tatalon diyan,” ani Basibas sa isang eksklusibong panayam sa Varsitarian matapos ang kaniyang impresibong laro.

“Sa una kinakabahan ako. Naging kumpiyansa na ako sa huli tapos nilaro ko lang ‘yung laro ko,” aniya. “Binigyan ako ng kumpiyansa ni coach, kaya inisip ko kapag pinasok ako sa laro, gagawin ko ‘yung lahat.”

Labis naman na ikinatuwa ni Tigers head coach Bong dela Cruz ang magandang nilaro ng kaniyang rookie dahil sa practice pa lamang ay nakikitaan na niya ito ng potensiyal.

“Athletic si Regie Boy eh, kahit hindi namin siya masyado nagagamit sa game, tuluy-tuloy siya sa practice. Hindi siya humihinto. Hardworking siya kaya ayun lumabas sa game,” ani dela Cruz.

Masaya rin si Karim Abdul sa ipinakita ng buong Tigers lalo na si Basibas.

“This is the kind of game that we are looking for, where everybody plays, where everybody gives their heart out,” ani Abdul. “It was very timely, it is good that he [Basibas] stepped up today since Daquioagsprained his ankle and Kevin [Ferrer] is not there. Somebody needed to step up and I really pray that he will be able to be consistent with that [effort],” dagdag niya.

Ikinagulat naman ni Daquioag, roommate ni Basibas sa athletes’ dorm ng UST, kung paano ito naging isang “rebounding machine.”

“Hindi ko ine-expect ‘yun. Sinabi ko lang na mabibigyan siya ng minutes kasi wala ako at si Kevin. Nag-step up naman siya,” ani Daquioag. Delfin Ray M. Dioquino

LEAVE A REPLY