Tag: Jonelle V. Marcos
Manunggul
HINDI malululan ng maliit na bangka
ang bigat ng damdamin ng paglisan
nang walang paalam, unawaan at kapatawaran
Hindi makapaglalayag nang mapayapa
ang kaluluwang naka-angkla ang alaala
sa pagluluksa at pagluha
ng mga naiwan
Hindi mapipigilan ng hinubog na luwad
ang pagpupumiglas ng katawan
na muling lumaya, bumalik,
at bumaba mula sa bangka
Ngunit walang pakialam ang nasa likuran
na patuloy sa pagsagwan
sa lawa ng mga luha
ng mga naroon na sa Kaluwalhatian
Samahang pangwika sa USTe
BILANG tanda ng pagpapahalaga sa wika, nagtatag ang mga Tomasino ng isang samahan para sa pagsusulong at pagpapayabong nito.
Noong 1947, pormal na naitatag at kinilala ng Unibersidad ang “Diwa ng Kabataan” bilang isang organisasyong pangwika na naglalayong paigtingin ang damdaming makabayan ng mga Tomasino sa pamamagitan ng pagpapayaman sa wika.
Bunsod ito ng pangangailangang muling iangat ang pagtingin ng mga Filipino sa sariling wika matapos ang kaguluhan ng nakaraang Ikalawang Digmaang Pandaigdig na nagdala ng iba’t ibang wikang banyaga sa bansa.