Isang matapang na pagsasalarawan sa iba’t-ibang mukha ng buhay ang makikita sa nobela ni Norman Wilwayco na pinamagatang Kung Paano ko Inayos ang Buhok ko Matapos ang Mahaba-haba ring Paglalakbay (Khan Automatic Writings). Isang kakaibang imahe ng Maynila ang matutuklasan. Malayo ang imahe sa mga magagarang shopping malls, mga magagarbong night life, o ang mga larawan ng mga engrandeng sosyalan na makikita sa mga lifestyle pages ng mga diyaryo at magasin.

Miserable, marumi, malaswa at patapon ang mga buhay ng mga tauhan sa nobela.

Ipinapasyal ni Wilwayco ang mga mambabasa sa dalawang prinsipal na lugar, ito ang looban, kung saan lumaki ang pangunahing tauhan na si Tony, at sa Baguio, kung saan siya bumibisi-bisita pagkatapos niyang makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng magandang trabaho.

Ang looban ang nagsisilbing salamin ng mga tinatagong baho ng kaMaynilaan.

Dito makikita ang pakikipagsapalaran ng paslit na si Tony sa pang-araw-araw na hamon ng gutom, ang walang pinatutunguhang buhay ng mga pariwarang tambay, tomador, at mga adik, ang pagsasamantalang ginagawa ng mga Amerikanong pedopilya, ang masamang sinasapit ng mga magbabalut sa mga lasing, at iba pang mga kamalasang dulot ng kahirapan.

Walang pasintabi ang pagsasalarawan ni Wilwayco sa dungis ng Maynila. Walang kahiyahiya niyang iniimbitahan ang mambabasa na tikman ang mapait na apdo ng kahirapan.

Ngunit hindi awa ang hinihingi ng nobela sa pagpapakita ng mga kulunoslunos na pangyayari sa looban, kundi ang pagtanggap, o ang pagkilala sa mga pangyayari na kaakibat ng realidad.

Sa Baguio naman makikita matatagpuan ang binatang si Tony, pagkatapos lumaking batbat sa kahirapan at iba’t-ibang suliranin.

Katulad ng lamig at tayog ng Baguio, mapagmataas at walang pakialam ang binatang si Tony. Pagkatapos mag sumikap, makatangap ng scholarship grant, makapasok sa magandang unibersidad, at makakuha ng magandang trabaho, isang hambog, walang hiya, mapagsamantala, at higit sa lahat, bastos na Tony ang masasaksihan.

Sa kaniyang mga kasamaan, maituturing na isang bidang kontrabida si Tony, isang antagonist na hindi lang simpatiya ang inaani kundi inis at galit.

Bagaman nagawang mangibabaw ni Tony sa mga hirap na ipinadanas sa kaniya ng buhay, hindi pa rin niya ipinag-wawalang bahala ang kapangyarihan dala ng lipunan. Naglalaro sa mga perspektibo ng isang cosmocentric at geocentric ang mga pangyayari, o ang indibidwal laban sa lipunan at lipunan laban sa indibidwal.

Isang magandang halimbawa ang kuwento ng pag-iibigan ni Tony at Klara. Ipinakita sa kuwento ni Tony at Klara kung paanong ang pag-ibig ay hindi lamang isang personal na pangyayari sa dalawang indibidwal at bugso ng mga nag-uumapaw ng damdamin. Isinalarawan sa kanilang kuwento kung paanong ang pag-ibig ay saklaw din ng mga pangyayari sa paligid at alinsunod din sa mga dikta ng lipunan.

Bagaman ipinapahiwatig ni Wilwayco ang matinding kapangyarihan ng lipunan sa isang indibidwal, hindi nito hangarin na maging kumpiyansa na lang sa mga pangyayari, bagkus inuusig nitong mas maging responsible tayo sa ating mga aksiyon na lingid sa atin ay nakakaapekto sa marami.

Higit sa lahat, ipinapakita rin ng kuwento kung paano tayo mangingibabaw sa mga dikta ng lipunan. Sa pag-alis ni Tony sa Baguio patungong Quezon para hanapin si Klara at magbagong buhay, isinasaad ng may akda na makakaya lamang nating maka-igpaw sa mga bisig ng lipunan sa pamamagitan ng pagyakap sa mga katotohanang nangyayari sa paligid, at sa pagtikim ng mga realidad ng buhay na siyang magsisilbing armas sa ating pakikipagbuno sa mahabang biyaheng siyang tinatawag na buhay.

Montage Vol. 9 • February 2006

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.