PARA sa pagdiriwang ng ika-175 taon ng kalayaan ng bansang Belgium, nagbigay ng lectures sa art appreciation ang Royal Belgian Embassy ukol sa kontribusyon ng kanilang bansa sa sining biswal.

Nagsimula sa Belgian Residence ang traveling lectures na ito bago makarating sa University of the Philippines, Ateneo de Manila University, De La Salle University, at UST.

Sa masusing pagtalakay ni Mariano Akerman, isang eksperto sa sining mula sa Argentina, nabigyang pansin ang mga katangian ng makatotohanan at likhang-isip na istilong lumilitaw sa mga gawang-sining ng mga Belgian na pintor.

Para sa bahagi na ginanap sa Unibersidad, na may paksang “Masterpieces of Belgian Art from Van Eyck to Magritte,” inumpisahan ito sa mimesis o ang makatotohanang paglalarawan sa pamamagitan ng mabusising detalye, matitingkad na kulay, at mabuting komposisyon ang mga kasangkapan. Ginawang halimbawa nito ang “Girl with the Ducks” (c.1883) ni Emile Claus kung saan makikita sa painting ang isang batang babae na nagpapakain ng mga alagang bibe.

Sa pamamagitan ng tempera (mga makulay na pulbos na hinalo sa itlog), nabigyang buhay ng magkakapatid na Paul, Hermann, at Jean Limbourg ang isang tila-kalendaryong obra na “The Rich Hours.” Mapapansin ang maliliit na detalyeng matiyagang iginuhit ng mga pintor, tulad ng mga ginintuang fleur-de-lis sa mga kasuotan ng mga karakter.

Si Jan Van Eyck, isang maestro sa sining sa Belgium, ang kauna-unahang pintor na gumamit ng pamamaraan ng oil sa mimesis. Naging magandang halimbawa ng paghiram ng imahe ng tao sa isang gawang-sining ang altarpiece na ginawa niya para sa simbahan ng Ghent kung saan mapapansin ang kaibahan ng maputlang balat ni Adan sa kaniyang maitim at kulot na buhok.

READ
Tale as old as time

Sa kabilang banda, tinalakay din ni Akerman ang phantasia, ang imahinatibong paglalarawan ng mga ideya at konsepto ng pintor sa pamamagitan ng malikhaing presentasyon ng realidad.

Kilala sa larangang ito si James Ensor, na nahilig sa pagpipinta ng mga larawang may kinalaman sa sosyo-pulitikal na aspeto ng isang pamayanan. Mapapansin sa kanyang mga ipininta ang mga kalansay na ginagampanan ang mga gawain ng nabubuhay na tao.

Isang malungkot na obra ang kanyang “Skeletons attempting to warm themselves” (c.1889) dahil ang mga kalansay na ito ay lumalapit sa isang tsimineang walang apoy. Sinasabing sumasalamin ito sa kondisyon ng mahihirap na mamayan sa Belgium.

Magkasalungat man na istilo ang mimesis at phantasia, naging matagumpay ang mga pintor na Belgian sa pag-iisa nito. Dito pumasok ang istilong surrealist. Naging matunog ang mga pangalan nina Léon Spillaert at Paul Delvaux, na parehong tubong Belguim, sa kilusang ito.

Sikat din sa istilong ito si René Magritte, isang magic realist noong panahon ng World War II. Naging simbolo ng isang magulo at nasalantang Europa ang kanyang “Taste of Tears” (c.1948) kung saan may isang halaman na may dahong kalapati na umiiyak.

Naging malaking bahagi ng sining Belgian ang simbolismo. Isang representasyon ng kasakiman ang “Saturn” (c.1635) ni maestro Peter Paul Rubens. Naging basehan nito ang mitolohiya ng diyos na si Saturn, na kumain sa kanyang mga anak upang masiguro ang kanyang kapangyarihan.

Isa ring pintor si Akerman, at nakapag-eksibit na siya sa mga bansang Argentina, Israel, Japan, at Pilipinas.

Iba’t iba man ang istilo, nanatili pa ring isang pagpapahayag ng mga ideya at damdamin ang sining—maging panlipunan, pulitikal, o personal man. Hindi hadlang ang lahi sa pagkaroon ng pagkakakilanlan, sapagka’t napatunayan ito ng sining na Belgian.

READ
What to do in case of Math

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.