SA PAGDAAN ng panahon, unti-unting nakikita at nararamdaman ang paglapit ng agham at panitikan, na kadalasang itinuturing na dalawang magkalayong mundo. Ngunit sa mas masusing pagsusuri, makikitang ang agham, sa paraan ng kanilang pag-aaral, ang mismong lumalapit sa mundo ng panitikan.

“Nagkakaiba lang naman ang agham at panitikan sa pagharap at pagtugis nila sa mga bagay-bagay. Gayunpaman, maaari pa rin silang pagsamahin,” sabi ni Dr. Cirilo Bautista, isang kilalang manunulat.

“Kung ikaw ay isang manunulat at ang bida sa iyong kuwento ay isang guro ng astronomiya, hindi ba dapat alam mo din ang astronomiya? Hindi ka paniniwalaan ng iyong mga mambabasa kung hindi mo alam ang isusulat mo,” dagdag pa niya.

Ayon kay Bautista, makikita ng mga siyentipiko ang ibang aspeto ng kanilang agham sa pamamagitan ng pagpapahayag nito sa paraang makata, tulad ng kung paano naipapahayag ang mga nararamdaman ukol sa nasaliksik, at ang paghahalintulad ng mga siyentipikong kaisipan sa mga konkretong bagay. Ang hindi pagsama ng damdamin sa trabaho ng mga siyentipiko ang kadalasang dahilan ng limitado nilang pagtalakay sa agham.

Aniya, masasabing may koneksyon ang agham at panitikan, batay sa ‘di iilang mga sulatin na may temang napapatungkol sa agham tulad ng tula niyang Albert Einstein Talks to a Butterfly. Ayon kay Bautista, inisip niya ang maaaring talakayin ni Einstein tungkol sa buhay ng tao habang kinakausap niya ang paru-paro.

“Maaaring mawala ang hadlang sa pagitan ng agham at panitikan kung patuloy na gagamitin ng mga manunulat ang mga ideyolohiya ng siyensya sa kanilang mga sulatin,” ani Dr. Lilian Sison, dekana ng UST Graduate School. “Mula dito, maaaring maging bukas ang kaisipan ng mga karaniwang tao sa mga pagbabago sa lipunan dahil sa agham, sa tulong na rin ng literatura.”

READ
Hitches in security

“Makatutulong nang malaki ang pagbabagong ito, at mas magiging makatao ang inaakalang napakalayo at napakalawak na mundo ng agham,” dagdag pa niya.

Agham at Pilosopiya

Ayon kay Sison, maging ang pilosopiya at sining ay may kinalaman din sa agham.

Sa natural philosophy, nagkaroon ng pagkakahalintulad ang dalawa. Nabigyang inspirasyon ng sining ang karamihan sa mga kilalang siyentipiko tulad ni Einstein, ani Sison.

“Kapag nakakita ng equation si Einstein, hindi niya inilalarawan kung ito ay mabuti o masama, sa halip ilalarawan niya ito bilang maganda o pangit. Ilalarawan niya ito sa isang masining na pagpapalagay,” sabi ng dekana.

Nagkainspirasyon naman si Niels Bohr, isang physicist na nanalo ng Nobel Prize dahil sa kanyang pag-aaral sa istruktura ng atoms, sa mga obra ni Picasso. Natukoy niya ang electron bilang isang particle at isang wave.

Gayunpaman, naimungkahi rin ni Sison na dapat subukan ng mga taong nasa larangan ng panitikan ang pag-aaral ng agham.

“Kung babasahin ng isang manunulat ng panitikan ang libro tungkol sa quantum mechanics, nagmamalaki niyang sasabihin na hindi niya ito naintindihan. Ngunit walang siyentipiko sa tamang pag-iisip ang magsasabing hindi niya kilala si Shakespeare,” ani Sison. “Nararapat lamang na may alam sa ilang classics at sining ang isang edukadong tao, ngunit alam din nila dapat ang ilang bagay tungkol sa agham.”

Sa pagbuo ng tulay upang maidugtong ang dalawang mundong ito, maituturing na napakabagal ng pagbabago tungo sa ikauunlad ng mga larangang ito. Gayunpaman, ang kapaligiran na ang nagsisilbing tulay sa paglalapit ng agham at panitikan. Sa obserbasyon ni Sison, mas maraming makata at nobelista ngayon ang nagsusulat dahil sa inspirasyong dulot ng mga kondisyong pangkapaligiran.

READ
One last bite

“Sa aking pagtuturo, sinusubukan kong haluan ng pilosopiya at sining ang agham. Nanghihinayang lamang ako kung bakit sa bansa natin, sa graduate school ito nagagawa, samantalang sa ibang bansa, nagagawa na nila ito sa kolehiyo,” sabi ni Sison.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.